Nais ng pamahalaan ng Pilipinas na maiuwi sa bansa ang 13 Pinay surrogate mothers na hinatulan na ng korte sa Cambodia na makulong ng hanggang apat na taon. Ang kani-kanilang mga sanggol, dapat umanong ituring na mga Pilipino, at posibleng maging 14 dahil may isinilang na kambal.

Sa ulat ni Saleema Refran ng GMA Integrated News, sinabing nakikipag-usap ang pamahalaan ng Pilipinas sa mga kinauukulang opisyal ng Cambodia para maiuwi sa bansa ang 13 Pinay, pati na ang kani-kanilang paparating na mga anak.

Napag-alaman na isa sa mga Pinay ang nakapanganak na sa loob ng piitan.

Hinatulang guilty ang 13 Pinay sa kasong paglabag sa human trafficking law ng Cambodia.

Naniniwala ang korte na may plano ang mga Pinay na ibenta ang kanilang mga anak doon kapalit ng pera na isang uri umano ng human trafficking.

Kasama sa hatol ang dalawang taong suspended sentence, na nangangahulugan na kailangan silang makulong muna sa Cambodia ng dalawang taon bago sila payagang makauwi sa kanilang bansa.

"May isa sa mga babae nanganak na, 'yung mga iba naghihintay pa ng manganganak," pahayag ni Justice Undersecretary Nicholas Felix Ty nitong Miyerkoles.

Pero sinabi ni Foreign Affairs Undersecretary Eduardo De Vega, sa Bagong Pilipinas Ngayon public briefing, na dalawa na ang nanganak sa mga Pinay.

Tiniyak ng opisyal na binibigyan ng legal na tulong ang mga Pinay sa pamamagitan ng Philippine Embassy sa Cambodia.

Bagaman wala umanong inihayag ang korte sa kasasapitan ng mga sanggol kapag nailuwal na, sinabi ni Ty na mga Pinoy ang mga bata para sa DOJ.

“Hindi nila ka-DNA itong mga batang ito. Pero para sa atin, ang mga batang ito ay mga Pilipino,” ayon kay Ty.

“Sa batas natin, simple lang. Kung sinong babaeng nagsilang sa bata, siya ang nanay ng bata. Susundin ang nationality niya,” dagdag niya.

Ayon pa kay Ty, kung ang kapakanan ng mga "biktima" ang pangunahing prayoridad ng Cambodian government, sa ganitong pagkakataon, ang mga isisilang na sanggol ang biktima.

Kung magiging magkapareho umano ang pananaw ng Pilipinas at Cambodia tungkol sa mga "biktima," sinabi ni Ty na kaagad na aasikasuhin ng DOJ ang pagproseso upang maiuwi sa Pilipinas ang mga sanggol sa tulong ng Philippine Embassy sa Phnom Penh.

“May kambal, kambal yung bitbit. So most likely magkakaroon tayo ng mga 14 na sanggol,” sabi ni Ty.

“Malaki ang posibilidad kapag mauwi na natin yung mga bata dito sa Pilipinas ay i-refer natin sila sa DSWD (Department of Social Welfare and Development) tsaka sa NACC (National Authority for Child Care),” dagdag niya. -- FRJ, GMA Integrated News