Nahuli-cam ang pagdagsa ng mga maliliit na pating sa mabato at mababaw na bahagi ng dagat na malapit sa dalampasigan sa Santander, Cebu na matatanaw mula sa kalsada. Sa kalapit na bayan ng Ginatilan, dumagsa naman ang maliliit na isda.
Sa ulat ni Fe Marie Gumabon sa GMA Regional TV Balitang Bisdak nitong Biyernes, ipinakita ang video na kuha ng netizen Floramie Dacillo habang abala ang mga tao sa pagkuha ng uri ng Sardinella gaya ng mga “tuloy-tamban” at “malangsi.”
Ang tagpo ay nakuhanan noong gabi noong Martes sa dalampasigan ng Barangay San Roque at sa Poblacion sa Ginatilan. Naulit daw ito kinabukasan noong Miyerkules ng gabi.
Ayon kay Wilma Laspoña, municipal agriculturist ng Ginatilan, posibleng may kinalaman sa global warming kung bakit napapadpad sa dalampasigan ang mga isda.
Ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources Central Visayas, naniniwala na may kinalaman ang ipinatupad na closed fishing season noong Nobyembre 2023 kaya dagsa ang mga isda.
Tatlong buwan na ipinagbawal ang commercial fishing sa mga protected seascape sa Visayas.
Hinihinala rin na may kaugnayan ang mga maliliit na isda na napadpad sa dalampasigan ng Ginatilan kaya dumagsa rin at nagtagal ang maliliit na pating na nakita malapit sa dampasigan sa Barangay Pasil sa Santander.
Nahuli-cam ng asawa ng netizen na si Junette Oniong ang pagdagsa ng mga pating noong February 11.
Bagaman normal na raw na makakita sila sa naturang lugar ng mga maliliit na pating, pero mas marami raw ang mga maliliit na pating ngayon at tumagal pa ng ilang araw sa naturang lugar, na matatanaw din mula sa kalsada.
Hindi naman inirerekomenda ni BFAR 7 Director Mario Ruinata, officer in-charge, na magsagawa ng tourism-related activities sa lugar na may mga baby shark.
Hindi gaya ng mga whale sharks o "butanding" na naging aktrasyon ng turismo sa Oslob, mapanganib at agresibo ang mga pating na kailangan masuri kung anong uri ang mga baby shark sa Santander.-- FRJ, GMA Integrated News