Agad nalutas ang problema ng isang ama sa kaniyang mga kailangang bayaran tulad sa kuryente at pagkain nang masuklian siya ng kakaibang barya na hindi pala pangkaraniwan at may kaugnayan sa kasaysayan ng  United Kingdom.

Sa ulat ng GMA News Feed, sinabing nasuklian si Ben Mason ng halagang £2 o katumbas ng nasa P141 matapos bumili sa isang shop sa Manchester.

Ngunit kakaibang barya ang napunta sa kaniya na inilabas noong 2011 kasabay ng ika-apat na Commonwealth Youth Games na host noon ang Isle of Man.

Nasa harapang bahagi ng barya ang imahe ni Queen Elizabeth II, habang nasa likod si Tosha the Cat, ang opisyal na mascot ng games, pati na rin ang logo ng Commonwealth Youth Games.

Sinabi ng mga eksperto na kabilang ang baryang ito sa mga pinakamahirap na hanapin.

Ayon kay Mason, alam niya na rare o pambihira ang barya, at nagkataon na gipit siya noon sa budget para sa bayarin sa kuryente, pagkain at iba pang utilities.

Nang suriin ang halaga ng kakaibang coins sa e-Bay, ang presyo pala nito ay umaabot ng £400 o mahigit P28,000.

“As no one had one on for auction, I thought I’d take the opportunity to put it on as an auction starting £100 bidding. Within two days, I got my first bid of £190 and then there was nothing up until the last hour – when the battle started,” sabi ni Mason.

Naibenta ni Mason ang baryang naisukli sa kaniya sa halagang £236.74 o nasa P16,722.

Kaya ang problema niya sa mga bayarin, solve na.

“It helped massively with energy bills and food, as I’m a father of four. I just couldn’t believe that a coin could be worth so much. Check your coins as you could have spare change in your back pockets. You could literally be sat on a fortune without even realizing,” sabi ni Mason. -- FRJ, GMA Integrated News