Kalunos-lunos ang sinapit ng isang pating na pinaniniwalaang lumapit sa baybayin para manganak matapos siyang hulihin at katayin sa Sarangani. Ang nasa 50 baby sharks sa kaniyang sinapupunan, hindi rin nakaligtas.
Sa video ng GMA News Feed, makikita ang ilang larawan na mula sa Maritime Police Sarangani, na pira-piraso na ang Prionace glauca o Blue Shark na nahuli ng ilang residente sa baybayin ng Barangay Big Margus sa bayan ng Glan.
Sinabi ng Maritime Police na agad silang rumesponde sa report ng Bantay Dagat na may nahuling pating sa lugar. Pero kinatay na ng mga residente ang pating nang tadnan nila.
Ayon sa Protected Management Area Board (PAMB), posibleng lumapit sa baybayin ang blue shark para sana manganak.
Bihira nang makakita ng species na Blue Shark sa kasalukuyan dahil "near threatened" o kumukonti na ang kanilang populasyon sa dagat.
Hindi rin umano agresibo ang ganitong uri species at hindi umaatake ng tao kung hindi nila mararamdaman na nanganganib sila.
Dalawang daang species ng mga pating ang matatagpuan sa Pilipinas mula sa nasa 1,000 species ng mga pating sa buong mundo.
Sa 200 species, 21 ang protektado ng batas o bawal patayin o hulihin.
Kaya patuloy ang pagsusulong ng ilang grupo ng pagsasabatas ng Shark Conservation Act na 2019 pa nakapasa sa final reading ng Kamara.
Kung maisasabatas, maparurusahan ang pagpatay, paghuli at pagbebenta ng endangered shark species.
Ipagbabawal din na putulin ang palikpik ng anumang pating, o gumamit ng shark wires na posible nilang ikasugat.
--FRJ, GMA News