Nasawi ang isang batang lalaki na tatlong-taong-gulang, habang anim na iba pa ang sugatan dahil sa sunog na tumupok sa isang residential-commercial area sa Barangay Namayan, Mandaluyong City nitong Lunes ng umaga.
Sa ulat ni Ralph Obina sa sa Super Radyo dzBB, sinabing nakita ang labi ng bata sa ikalawang palapag ng bahay.
Kabilang naman sa mga nasaktan ang apat na bumbero na rumesponde sa sunog.
Kasama sa apektadong lugar ang isang junk shop, isang bodega, lechon store, at ilang bahay, ayon sa hiwalay na ulat ni Manny Vargas sa Super Radyo dzBB.
Ayon sa Bureau of Fire Protection, idineklara ang first alarm dakong 6:25 a.m., at itinaas sa second alarm pagsapit ng 6:53 a.m.
Tumulong na sa pag-apula sa sunog ang mga bumbero mula sa Maynila at Makati.
Dakong 12:08 p.m., nang makontrol na ang apoy sa lechon shop at bodega pero patuloy ang pag-apula sa kalapit na junk shop. —FRJ, GMA Integrated News