Dead on the spot ang isang lalaki na tulak umano ng ilegal na droga sa Barangay San Andres, Cainta, Rizal sa ikinasang buy-bust operation ng pulisya noong March 12.
Nakorner ng mga pulis ang suspek na kinilalang si alyas Diether sa kaniya mismong bahay.
Ang suspek, nanlaban daw sa mga operatiba.
“Nu'ng nalaman niya, binaril niya agad itong pulis natin. Tinamaan sa katawan itong ating pulis. Itong isang backup ay binaril niya rin, ngunit hindi niya tinamaan, so nagkaroon sila ng exchange of fire laban sa suspect. 'Yung loaded na isang magazine ng .45 niya, naubos 'yun. Naiputok niya lahat 'yun,” sabi ni Police Lieutenant Colonel Joseph Macatangay, chief of police ng Cainta Municipal Police Station.
Bakas sa pader ang mga tama ng bala mula sa engkuwentro.
Isinugod sa ospital ang pulis na nabaril ng suspek.
“Ito pong ating intel operative, tinamaan po sa kaniyang kanang bahagi ng kaniyang katawan na kung saan ay na-damage po ang kaniyang kidney. Ito pong ating pulis ay tinanggalan po ng kidney sa pagkakabaril ng suspek at saka 'yung kaniyang atay,” sabi ni Macatangay.
Nagpapagaling na ang pulis sa ospital.
Narekober naman mula sa crime scene ang baril na ginamit umano ni alyas Diether, pati na ang mahigit 28 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng mahigit P191,000.
Arestado rin ang apat na iba pang kasama ng target sa pagtutulak ng ilegal na droga.
“Eksakto naman po na meron pong apat doon sa loob ng malit na bahay na 'yon na ongoing pot session po sila,” pahayag ni Macatangay.
Depensa ng tatlo, gumagamit lang sila ng ilegal na droga at hindi nagtutulak.
Ayon naman sa babaeng nahuli, nadamay lang siya.
Sa records ng pulisya, dati nang nakulong si alyas Diether dahil sa droga.
“Ang kaniyang mga parokyano ay galing dito sa Cainta, Taytay, at Antipolo. At talagang itong suspect na ito ay armed and dangerous po talaga 'yan. Lagi siyang may dalang baril,” sabi ni Macatangay.
Napag-alaman ding may arrest warrant pa laban sa kaniya para sa kasong frustrated homicide na inilabas ng korte ng Pasig City.
Ang apat na arestadong suspek, nahaharap naman sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. —KG, GMA Integrated News