Inaasikaso na ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang pagproseso sa mga dokumento ng mahigit 100 Pilipino na nailigtas o nakatakas mula sa mga scam hub sa Myanmar upang maiuwi na sila sa bansa.
Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News 24 Oras nitong Huwebes, sinabing kasalukuyang nasa consolidated facility sa Myanmar ang mga Pinoy.
Gayunman, mayroon pa ring mga Pinoy ang nasa mga scam hub lalo na sa mga lugar sa Myanmar na kontrolado ng mga rebelde. Kaya naman sa mga rebelde kakailangang makipag-ugnayan kung may kailangang iligtas.
Nakakatikim umano ng pananakip ang mga Pinoy sa kamay ng kanilang mga employer lalo na kapag hindi nila naabot ang quota sa kanilang ginagawang pang-i-scam.
Nasa Thailand umano ngayon ang mga opisyal ng Office of Migration Affairs ng DFA, kasama ang mga taga-Philippine Embassy sa Bangkok, para asikasuhin ang mga kailangang dokomento ng mga Pinoy para maitawid sila sa Thailand mula sa Myanmar.
Kapag naitawid na ang mga Pinoy sa Thailand, kailangan nilang umalis doon at mailipad sa Pilipinas sa loob ng 24 oras alinsunod sa patakaran ng naturang bansa.
Ayon kay DFA-OMA Undersecretary Eduardo De Vega, umaasa sila na maiuuwi nila sa susunod na linggo ang nasa mahigit 100 Pinoy na nasa Myanmar.
Muli namang nagpaalala ang DFA at Department of Migrant Workers sa mga Pilipino na maging maingat at mapanuri sa mga nakikitang inaalok na trabaho lalo na sa mga bansang hindi kailangan ng mga Pinoy ng visa para makapasok.-- FRJ, GMA Integrated News