Inilabas ni House Deputy Majority Leader Francisco Paolo Ortega V nitong Linggo ang ilang pang "kakaibang" pangalan na nakita umano sa listahan ng mga tumanggap confidential funds mula sa Department of Education (DepEd) noong panahon na pinamumunuan ni Vice President Sara Duterte.
Ang bagong grupo ng mga pangalan na tinawag na mula sa “Team Amoy Asim” ay nagngangalang: “Amoy Liu,” “Fernan Amuy,” at “Joug De Asim.”
Ayon kay Ortega, ang naturang mga pangalan na isinumite ng DepEd at Office of the Vice President (OVP) sa Commission on Audit (CoA), ay wala umanong birth, marriage, o death records sa database ng Philippine Statistics Authority’s (PSA).
“Una, may chichirya, may cellphone, at may prutas. Sumunod ang ‘Dodong Gang.’ Ngayon naman, nandito na ang ‘Team Amoy Asim.’ Kung sa listahan pa lang ay maasim na ang dating ng pekeng mga pangalan, paano pa kaya sa mga transaksyon mismo?” tanong ni Ortega.
“Anong klaseng payroll ito? Lahat ng pangalan ay parang gawa-gawa lang. Imposible ang ganito kung sumusunod sa tamang proseso,” dagdag ng kongresista.
Hinihintay pa ng GMA News Online ang tugon ng OVP sa pahayag ni Ortega.
Matatandaan na kinuwestiyon sa pagdinig ng Kamara de Representantes ang mga isinumiteng dokumento ng tanggapan ni VP Sara kaugnay sa paggamit niya ng confidential funds ng DepEd at OVP noong 2022 at 2023.
Sa dokumento ng mga nakalistang tumanggap umano ng pondo ay sinasabing may mga maling petsa, mga pirma na walang pangalan, o mga pangalan na hindi mabasa.
Kabilang sa mga pangalan na nakalista umanong tumanggap ng confi funds ay nangangalang Mary Grace Piattos, Xiaome Ocho, Jay Kamote, Miggy Mango, Dodong Alcala, Dodong Bina, Dodong Bunal, Dodong Darong, Dodong S. Barok.
Dati nang sinabi ni Duterte na walang siyang ginawang iregularidad sa naturang pondo at iginiit na pulitika ang nasa likod ng mga pag-atake laban sa kaniya.
Una nang inihayag ni Senate President Francis "Chiz" Escudero na sa darating na July pa masisimulan ng Senado bilang impeachment court ang gagawin nilang pagdinig sa mga bintang laban kay Duterte. — mula sa Giselle Ombay/FRJ, GMA Integrated News