Dahil sa pandemic, nauso ang online consultation ng mga duktor. Pero magpapahuli ba naman ang mga alternatibong manggagamot na albularyo?
Isa sa kilalang albularyo sa lugar ni aling Maricar Cruz si Norma Hernandez sa Rizal.
Nang sumama ang pakiramdam ni Maricar na may kasamang pagsakit ng tenga at lagnat, kay Norma siya nagpatingin dahil wala siyang perang magpaospital.
Sa pagsusuri ni Norma, mayroon umanong engkanto na nagkakagusto kay Maricar.
Naninirahan daw ang kakaibang nilalang sa isang puno na malapit lang sa bahay ni Maricar.
Kuwento ni Maricar, ramdam niya ang enerhiya nang gamutin siya ni Norma.
At bago raw sumama ang kaniyang pakiramdam, naghilamos at nagbuhos siya ng tubig sa labas ng kanilang bahay isang madaling araw. Nang pumasok na siya sa bahay, doon na sumama ang kaniyang pakiramdam.
Ang panggamot ni Norma, idinaan na rin niya via online sa social media kung saan nagpapadala sa kaniya ng mensahe ang kaniyang mga "pasyente."
Kasunod nito ay magkakausap na sila via video call.
"Kahit saang lupalop ka ng mundo, maabot ka ng kapangyarihan ng Diyos. Isipin mo, gadget to gadget, hindi kita hinihipo paano ka gumagaling? Ibig sabihin, may milagrong nangyayari," paliwanag niya.
Kuwento ni Norma, namana niya ang kaniyang panggagamot sa kaniyang lolo. At galing daw sa Diyos ang kaniyang kapangyarihang magpagaling.
Isa si Kyla Mae Rosimo sa mga naging "pasyente" online ni Norma.
Ayon kay Kyla, nakita niyang marami nagmemensahe kay Norma kaya sinubukan din niya dahil may mga nararamdaman din siya sa katawan.
Pero laking gulat ni Kyla nang malaman daw ni Norma ang nangyari sa kaniyang mister na pumanaw habang nasa trabaho bilang construction worker.
Tila sumanib pa raw kay Norma ang kaluluwa ng kaniyang mister kaya napaiyak siya habang nag-uusap sila online.
Gayunman, may paalala ang isang alagad ng simbahan tungkol sa mga nagsasabing medium sila ng mga kaluluwa ng mga taong pumanaw na.
At si aling Maricar, sinamahan na magpatingin sa duktor o espesyalista para ipakonsulta ang kaniyang nararamdaman.
Umayon kaya si Maricar nang sabihin sa kaniya ng duktor kung ano ang kaniyang karamdaman? Panoorin ang buong istorya sa video. --FRJ, GMA News