Plano ng Indonesia na maibalik sa kani-kanilang mga bansa ang ilan sa dayuhan nilang bilanggo bago matapos ang 2024. Kabilang dito ang Pinay na si Mary Jane Veloso.
Sa ulat ng Agence France-Presse, bukod kay Veloso na nailigtas sa parusang bitay, at sa preso na mula sa France, kabilang din sa pinayagan ng Indonesia na makauwi at makulong sa kanilang bansa sa Australia ang natitirang miyembro ng tinaguriang "Bali Nine," na nahatulan din dahil sa kasong ilegal na droga.
"Our target is hopefully at the end of December, the transfers of these prisoners will have been completed," pahayag ni senior minister Yusril Ihza Mahendra.
Ginawa ni Yusril ang pahayag matapos niyang sabihin noong nakaraang linggo na pinayagan ni President Prabowo Subianto ang paglilipat kay Veloso sa Pilipinas.
Taong 2015 nang ipagpaliban ng Indonesia ang pagbitay kay Veloso matapos na mahuling nagpuslit ng ilegal na droga sa Indonesia noong 2010.
Inihayag ni Veloso ang labis na kasiyahan noong nakaraang linggo nang malaman niya ang magandang balita na makakabalik na siya sa Pilipinas.
Pinag-uusapan naman ang gagawing paglilipat ng limang Australian na naaresto noog 2005 na miyembro umano ng isang drug ring.
Naipatupad na sa dalawang miyembro ng "Bali Nine" gang ang parusang kamatayan sa pamamagitan ng firing squad. Isa ang namatay sa cancer, habang nakalaya noong 2018 ang isa.
Ayon kay Yusril, nakatakda niyang kausapin sa susunod na linggo ang bibisita sa kanilang Minister for Home Affairs ng Australia na si Tony Burke.
Idinagdag ng Indonesian minister na makikipag-ugnayan din ang kanilang bansa sa Paris para sa posibilidad ng paglilipat ng isang preso na French citizen.
Iginiit ni Yusril na nais ng Jakarta na matapos ng mga dayuhang bilanggo ang kanilang sentensiya sa kani-kanilang bansa.
"We are transferring them to their countries so they can serve their sentence there, but if the countries want to give amnesty, we respect it. It's their right," pahayag ng opisyal. — mula sa ulat ng AFP/FRJ, GMA Integrated News