Inihayag ng isang dating pinuno ng Israeli Space Agency na palihim na nakikipag-ugnayan umano sa mga gobyerno ng Amerika at Israel ang mga "alien" o nilalang sa labas ng mundo. Pero humiling daw ang mga ito na huwag munang isapubliko ang kanilang ginagawa sa lupa.
"The UFOs have asked not to publish that they are here. Humanity is not ready yet," sabi ni Dr. Haim Eshed sa isang pahayag na mapapanood din sa GMA News Feed.
Dagdag ni Eshed, kamuntikang pang madulas si U.S. President Donald Trump sa paghahayag tungkol sa mga alien.
"Trump was on the verge of revealing, but the aliens in the Galactic Federation are saying 'Wait, let people calm down first.' They don't want to start mass hysteria. They want to first make us sane and understanding," ani Eshed.
Nagsilbing space chief ng Israel ang 87-anyos na ngayong si Eshed mula 1981 hanggang 2010, at tatlong beses na nanalo ng Israel Security Award.
Nakuha niya ito dahil sa kaniyang "confidential" na technological inventions.
May master's degree rin si Eshed sa performance research at doctorate sa aeronautical engineering.
Pero nang tanungin kung bakit ngayon lang siya nagsalita tungkol sa mga alien, paliwanag niya: "If I had come up with what I'm saying today five years ago, I would have been hospitalized."
"Wherever I've gone with this in academia, they've said: the man has lost his mind. Today they're already talking differently. I have nothing to lose. I've received my degrees and awards. I am respected in universities abroad, where the trend is also changing," dagdag ni Eshed.
Hindi pa nagbibigay ng pahayag ang mga gobyerno ng Amerika at Israel sa mga sinabi ni Dr. Eshed.
Noong Enero, nakunan sa CCTV ang pag-angat ng isang nagliliwanag na object sa California, na mabilis ding lumipad palayo.
Nito namang Oktubre, nakita rin sa Hawaii ang ilang ilaw sa kalangitan na tila galing sa isang lumilipad na bagay.
Naglabas din ang U.S. Department of Defense ng videos na kuha ng kanilang Navy na nagpapakita ng interaksyon sa mga hindi pa matukoy na bagay sa himpapawid.--Jamil Santos/FRJ, GMA News