Pagdating sa handaang Pilipino, hindi nawawala sa hapag-kainan ang pansit na sinasabing pampahaba ng buhay. Ngunit sa ilang probinsiya na may dagat, hindi totoong pansit ang kanilang ginagamit kundi ang lamang-dagat na pinupulot sa pampang na kung tawagin ay "Lokot."

Sa nakaraang episode ng “Good News,” ipinakilala ang mangingisdang si Rudnie Cabajug mula Oriental Loay sa Bohol, na sa dagat kinukuha ang pang-araw-araw nilang pangangailangan.

Maliban sa mga pangkaraniwang huli, target din ni Cabajug ang Lokot o pansit-pansitan kung tawagin sa ibang lugar. Nakasanayan niya itong kainin mula pa pagkabata.

Sagana ang kanilang lugar, lalo na kapag low tide, sa Lokot na pinupulot lang sa mga bato at damo sa dagat.

Maihahalintulad ang lasa ng Lokot sa seaweed, na naghahalo ang tamis at alat.

Kung minsan, ipinagpapalit ni Cabajug ang nakukuha niyang lokot sa ibang produkto gaya ng saging, ube, gabi o kamoteng kahoy. Gustong-gustong din kasi ng mga magsasaka ang lokot.

Kaya naman pinagkakakitaan din nila ang lokot, o naman naman ipinamimigay sa mga kapitbahay.

Ang lokot ay mga hibla mula sa isang uri ng sea slug na tinatawag na donsol o sea hare sa Ingles, na kamag-anak ng mga sea snail at octopus.

Madalas na berde ang kulay ng lokot dahil paboritong  kainin ng donsol ang mga lumot at seagrass sa tubig.

Paniwala ng mga matatanda, dumi umano ng donsol ang lokot. Ngunit ang lokot ay ang mismong itlog ng donsol.

May tatlong anak si Labajug, kabilang ang isang nasa kolehiyo, na pinagsusumikapan niyang mapag-aral sa tulong ng dagat.

Hindi araw-araw na mayroon silang huling isda, kaya malaking tulong sa kanilang pamilya ang lokot na kanilang nagiging pagkain.

“Itong mga sea hare, usually nangingitlog siya doon sa mga batuhan. Napagkakamalan din siya mga seaweeds pero ‘yan kinokolekta ng mga tao. Kulay dilaw ‘yan o minsan medyo orange, na para siyang mga strands ng pansit,” paliwanag ni Dr. Romulo Bernardo, isang wildlife veterinarian.

Hindi dumi, kundi libo-libong mga itlog ang donsol, na kinakain din sa iba't ibang lugar.

Nagpaalala naman ang eksperto na dapat linisan nang maigi ang lokot dahil gaya ng pugita, may inilalabas ding tinta ang donsol na maaaring makasama sa tao kapag nakain.

“Usually sinasawsaw ‘yan sa suka o nilalagyan ng sahog, parang kilawin. But I would refrain ‘yung mga tao na kainin, siyempre yung mga seahare mismo,” payo ni Bernardo.

Sa dami ng itlog sa isang lokot, marami ang hindi nabubuhay at hindi nagiging donsol.

Tunghayan sa Good News ang iba’t ibang klase ng pagluluto sa lokot ni Cabajug na gisado, sinabawan, at kinilaw. Panoorin. -- FRJ, GMA Integrated News