Naglabas ng kaniyang saloobin si Neri Naig ilang linggo matapos ibasura ng korte sa Pasay nitong unang bahagi ng Marso ang isinampang kaso laban sa kaniya na syndicated estafa at paglabag sa Securities Regulation Code.
Sa Instagram, ipinost ni Neri ang screenshots habang inaalalayan siya ng mga tauhan ng Bureau of Jail Management and Penology nang idetine siya noong November 2024 makaraang siyang arestuhin dahil sa lumabas na arrest warrant.
Kasama rin sa ipinost ni Neri ang pahayag ng kaniyang mga abogado na nagsasaad na ibinasura na ng korte ang kaso laban sa kaniya.
Ayon kay Neri, hindi niya inakala na makakasama siya sa listahan ng "Most Wanted" sa Pilipinas.
"Tinawag akong magnanakaw, manloloko, at scammer. Never naman akong nagtago. Palagi nga akong nasa palengke, sa mga talks, at kahit saan pa—I have always been visible, hindi lang sa social media," saad niya sa caption.
Ilalahad daw niya ang kaniyang panig sa mga pangyayari sa tamang panahon. Nagtanong din siya kung kailangan ba niyang isama ang mga naging karanasan niya mula nang arestuhin hanggang sa idetine.
"But for now, let me just say this: It was a nightmare. Isang pagsubok at bangungot na hindi ko kailanman malilimutan," ani Neri.
Sa kabila umano ng mga panghuhusga ng iba, pinili niyang manahimik.
"I’ve learned that when we are in pain, it’s easy to say things we don’t mean. Pero hindi ako 'yun. I refuse to let anger or hurt define me," pahayag niya.
Bagaman may mga natuwa sa nangyari sa kaniya at ginawa pang content para pagkakitaan, pinasalamatan naman ni Neri ang mga nagtanggol at nagpalakas ng kaniyang loob.
"Minsan, pakiramdam natin, hindi tayo pinapansin ni Lord kasi sunod-sunod ang pagsubok. Pero minsan, He’s just busy fixing things behind the scenes. And in every storm, He sends His Army of Angels. This time, kayo ‘yun," patuloy niya sa caption.
"Maraming, maraming salamat sa inyong pagmamahal, suporta, at panalangin. Hindi ko ito malilimutan...," ani Neri.
Sa comment section, pinasalamatan din ni Neri ang kaniyang mister na si Chito Miranda dahil hindi siya nito iniwan.
"Sabi mo, mababait pa rin ang mga tao, kahit hindi ko iyon makita sa mga panahon na 'yun. Life moves forward, and so will we," sabi ni Neri. "Hindi man ako naging Wais sa sitwasyong ito, pero kailanman, never ako nanloko, nanlamang, or nagnakaw sa kahit sino."
Naging endorser at franchisee ng inihahablang Dermacare Beyond Skin Care Solutions si Neri noong October 2020. Pero noong September 2023, inanunsyo niya na wala na siyang kaugnayan sa kompanya. --FRJ, GMA Integrated News