Tila nakikipagkarera rin habang sumisigaw ang isang nanay para suportahan ang kaniyang anak na track and field athlete. Ang anak, hahabulin ang kaniyang pangarap na maging national player kahit wala siyang tamang sapatos na ginagamit dahil sa kakulangan sa pinansiyal ng kaniyang pamilya.
Sa isang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ipinakita ang video na mapapanood si nanay Rayray Cordova, na mula sa Dingre, Iloilo, habang paroon at parito sa gilid ng track and field, at sumisigaw upang i-cheer ang Grade 6 niyang anak na si Mariah.
Sa naturang video, sumasabak noon si Mariah sa Western Visayas Regional Athletic Association Meet.
Nagpasalamat si nanay Rayray nang mag-viral ang naturang video dahil marami umano ang naka-relate sa kaniya bilang isang supportive na ina para sa anak.
Sa kanilang bahay, aminado si nanay Rayray na bungangera siya at alam daw iyon ng kaniyang mga kapitbahay dahil sa lakas ng kaniyang sigaw kapag hinahanap at tinatawag niya si Mariah.
Ang hanapan ng mag-ina, kung minsan ay nauuwi sa habulan kapag nakahawak ng pamalo si nanay Rayray.
Ang talento nga raw sa bilis sa pagtakbo ni Mariah, nadiskubre nila kapag nahahabulan ang mag-ina sa bukid.
Kaya nang minsan nagpa-tryout ang kaniyang paaralan para sa track and field player, sumubok si Mariah at nakapasa.
Sa mga kompetisyon na sinalihan ni Mariah gaya ng sa sa district competition, nagwagi si Mariah kaya nakaabot siya sa regional meet.
Ang pagtakbo ang nakikita ni Mariah na paraan para umunlad ang kanilang buhay. Bunso siya sa magkakapatid, at construction worker ang kanilang ama.
"Gusto ko pong maging national athlete. Gusto ko pong makapaunta sa Olympic," ani Mariah.
Sa pangarap ng kaniyang anak, inihayag ni nanay Rayray na full support siya.
"Wala akong palya. Sa tuwing nag-uumpisa na siyang pumunta sa linya para tumakbo, hinahanap na niya ako," pahayag ni nanay Rayray.
Ayon kay Mariah, parang coach na niya ang kaniyang ina sa lahat ng kaniyang ginagawa. At mas bumibilis daw ang takbo niya kapag nadidinig niya ang boses ng kaniyang ina.
"Kapag pinanghihinalaan ako ng loob, si mama ang nagbibigay sa akin lakas," sabi ni Mariah.
Kapag umarangkada na sa pagtakbo si Mariah, ang bibig ni nanay Rayray, umpisa na rin sa pagratsada sa pagtawag sa anak upang i-cheer.
"Ang finish line na pangarap ko talaga kay Mariah ay maabot niya talaga ang magandang kinabukasan, gaganda ang buhay niya sa huli. Hindi niya maranasan na magtrabaho sa palayan gaya namin," ani nanay Rayray.
Gayunman, dahil na rin sa kakulungan sa pinansiyal, hindi maibili ni nanay Rayray si Mariah ng maayos na sapatos na puwede niyang gamitin sa mga kompetisyon sa pagtakbo.
"Bibilhan ko naman sana siya si Mariah ng sapatos kaso yung mumurahin lang kasi kulang sa pinansiyal," pag-amin niya.
Dahil sa nagwagi si Mariah at nakalusot sa district meet sa track and field, napasok siya sa regional meet na. Magtagumpay kaya si Mariah para makasali naman sa Palarong Pambansa? Panoorin ang buong kuwento sa video. -- FRJ, GMA Integrated News