Sa episode ng "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Biyernes, tinanong ang aktres na si Arci Muñoz kung sumailalim ba siya sa surgical enhancements?
“Tito naman. Obvious ba? OG na OG na nga ako diyan. Napapagod na nga rin ako eh. Sobrang pagod na ako,” natatawang pag-amin ni Arci kay Tito Boy.
Kasabay nito, inamin din niyang may mga regret din siya sa kaniyang mga ipinagawa. Ang naturang karanasan ang ginagamit naman niya upang magbigay ng payo sa mga nagtatanong sa kaniya.
“Actually, alam, mo, may reason kung bakit nangyari sa ‘kin ‘tong mga ‘to. Na parang kasi may mga regrets din ako pagdating diyan eh. Pero alam mo, inano ko talaga, sinabi ko sarili ko God has a purpose because I learned,” saad ng aktres.
“If I think they don’t really need to do it, no. No, girl. ‘Wag talaga. You’ll regret it, sige ka. So ako talaga, ‘yun pala. ‘Yun pala ‘yung reason. ‘Yun pala ‘yung purpose ko,” sabi ni Arci.
Kapag may nagtanong sino ang "gumawa" ng ilong niya, natatawang sinabi ni Arci na, “Marami eh. Alin kaya do’n? Alin do’n, wait lang. Anong version?”
Paliwanag ni Arci, ang desisyon niya noon ay dahil sa kagustuhan niya niyang i-reinvente palagi ang sarili.
“Dati ‘to ha. Pero ngayon mas less is more na talaga,” paliwanag. “That’s why I always tell them you really have to think it through. ‘Wag kang tutulad sa akin na talagang very ang tigas ng [ulo ko].”
Idinagdag din ni Arci na walang nag-guide sa kaniya noon kaya ginagawa niya ang mga gusto niya.
“If I can go back to that time when I didn’t touch anything, I would go back there," ani Arci. "Pero since I already did it, I’m never gonna stop. Joke lang!”
Mapapanood si Arci sa upcoming movie na “Sinagtala” na ipalalabas sa mga sinehan sa April 2. Kasama niya rito sina Glaiza De Castro, Rhian Ramos, Arci Muñoz, Rayver Cruz, at Matt Lozano.— FRJ, GMA Integrated News