Ligtas na naitawid ng kalsada ng isang 50-anyos na ina ang kaniyang anak pero siya ang nadisgrasya sa kaniyang pagbalik nang mabundol ng tricycle.

Sa ulat ni CJ Torida sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Biyernes, sinabing nangyari ang trahediya sa Barangay Lourdes noong Martes dakong 7:00 pm.

Sa CCTV footage, makikita na tumawid ang ginang at ang kaniyang anak sa kalsada. Pero sa kalagitnaan pa lang, hinayaan na ng ginang ang kaniyang anak na makatawid sa kabilang bahagi ng kalsada.

Matapos nito ay bumalik na ang ginang pero nagkataon na may paparating na tricycle at nasalpok ang biktima.

Rumesponde naman ang rescue unit ng bayan para madala ang biktima sa pagamutan. Ngunit sa kasamang-palad, pumanaw ang biktima dahil sa matinding pinsala na tinamo.

Nasa kustodiya ng pulisya ang tricycle driver na nahaharap sa kaukulang kaso.

"Sabi niya hindi niya namalayan na tumalikod at muling tumawid ang biktima kaya hindi na niya nagawang makaiwas," ayon kay Police Lieutenant Colonel John Tacdoy, hepe ng Lubao Police.

Sinisikap pang makuhanan ng pahayag ang pamilya ng biktima. --FRJ, GMA Integrated News