Isang babae at dalawang lalaki ang nasawi sa pananambang na naganap sa San Rafael, Bulacan nitong Biyernes ng hapon.
Sa ulat ni Glen Juego sa Super Radyo dzBB, sinabing kinumpirma ni Police Lieutenant Colonel Eisbon Llamasares, hepe ng San Rafael Police, na tatlo ang nasawi sa nangyaring pananambang sa bahagi ng Cagayan Valley Road sa Barangay Capihan.
Sakay ng isang sports utility vehicle (SUV) ang mga biktima, na tinabihan at niratrat ng mga salarin na sakay din ng isang SUV.
Kaagad umanong nasawi sa pinangyarihan ng ambush ang dalawa sa mga biktima, habang dead on arrival naman sa ospital ang isa pa.
????????????????????????: Umakyat na sa tatlo ang namatay sa pananambang sa San Rafael, Bulacan | via @glenjuego pic.twitter.com/m49e2YMPeb
— DZBB Super Radyo (@dzbb) March 21, 2025
Ayon sa pulisya, hindi bababa sa 20 basyo ng bala na pinaniniwalaan na mula sa automatic rifle ang nakita sa pinangyarihan ng krimen.
Natadtad ng bala ang sasakyan ng mga biktima, at bumangga sa isang tricycle at iba pang instruktura sa gilid ng daan.
Patuloy ang isinasagawang follow-up operation ng mga awtoridad sa pagtugis sa nakatakas na mga salarin. -- FRJ, GMA Integrated News