Tiwala umano si dating Pangulog Rodrigo Duterte na malakas ang kaniyang depensa at wala siyang kaso na sasagutin sa International Criminal Court, ayon sa kaniyang anak na si Vice President Sara Duterte.
Sa panayam ng mga mamamahayag, sinabi ng pangalawang pangulo na mas maayos na ang kalusugan ng kaniyang ama matapos na mapansin na tila pagod at nahihilo sa kaniyang unang pagharap sa ICC sa pamamagitan via video link, isang araw matapos siyang arestuhin at dalhin sa The Hague.
"He's very confident about the legal arguments. He's very confident... that what they did was wrong and there is no case to begin with," ani VP Sara.
Inaakusahan ang 79-anyos na si Duterte ng crimes against humanity sa ICC kaugnay ng kaniyang "war on drugs" na libu-libo ang namatay.
Nakadetine siya ngayon sa The Hague, at itinakda sa September 23 ang opisyal na pagbasa sa kaniyang asunto. Dito, magkakaroon na si Duterte ng pagkakataon para kuwestiyunin ang mga ipinaparatang laban sa kaniya.
Ayon kay VP Sara na nabisita ang ama noong Sabado, inaasikasong mabuti ng mga duktor at nurse ang dating pangulo.
Dati na ring sinabi ng pangalawang pangulo na idinadaing din noon ng kaniyang ama ang pagkain dahil Dutch food ang isinisilbi sa pasilidad.
"He's getting rice. That's what we asked for and it's cooked perfectly. Correct according to Filipino taste," ani VP Sara.
Humiling din ang umano ang kaniyang ama ng personal nitong mga damit at suplay ng diet cola. — mula sa ulat ng Agence France-Presse/FRJ, GMA Integrated News