Kung sa ibang lugar ay may mga wildlife o hayop na itinataboy upang bigyan daan ang komersiyo o turismo,, sa Coron, Palawan, makikita na puwede itong magsama. Kagaya ng mga dambuhalang Palawan monitor lizard o bayawak at ang mga turista.
Sa isang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ipinakita ang ilang island resort sa Palawan na malayang nakakagala ang mga bayawak at nakikita mismo ng mga turista.
Kung minsan, tumatambay pa ang ilang bayawak sa labas ng kuwarto na tinutuluyan ng mga bisita.
Ayon sa veterinarian na si Dr. Glenn Rebong, ng Palawan Wildlife Rescue and Conservation Center (PWRCC), maganda pa rin kagubatan sa lalawigan kaya marami pa rin ang buhay-ilang o wildlife na naninirahan dito-- gaya ng mga bayawak.
Sinabi naman ni Jules Jason Asis, manager, Health Safety and Sustainability Office, na sinasabihan nila ang mga dumarating na bisita tungkol sa mga hayop na kanilang aasahan sa kanilang pupuntahan.
Paliwanag ng tauhan sa isang resort, hindi nila hinahawak ang mga bayawak, at hindi rin binibigyan ng pagkain.
Kung natatakot ang turista sa bayawak, inalalayan nila ang hayop palayo sa lugar. Hindi raw puwedeng biglain o gulatin ang mga bayawak para hindi mangagat o mamalo ng buntot.
Dahil parang kasama na nila sa isla o resort ang mga bayawak, ang ilan sa mga ito na madalas nilng makita, binigyan na nila ng pangalan: si "Sonny" na madalas magpaaraw; si "Jennifer" na may pagka-pilya; si "Kulit" na makulit; at si "Putol" na pinaka-chill kahit putol ang buntot.
Ayon kay Asis, mayroon silang medical facility at resort doctor sa lugar na may kaalaman sa health issues na may kaugnay sa bayawak.
Matalas ang ngipin ng mga Palawan monitor lizard, mahaba ang dila, matulis ang mga kuko, at kayang humaba ng hanggang dalawang metro.
Puwede sila sa tubig dahil sa mahusay silang lumangoy. At rin puwede sa lupa at kaya pang umakyat sa mga puno.
Hindi lang sa mga resort makikita ang mga bayawak kundi pati sa iba pang parte ng probinsiya, maging sa mga kabahayan.
Iyon nga lang, may pagkakataon na nagiging problema sa ilang residente ang mga bayawak pagdating sa inaalagaan nilang mga hayop. Tunghayan sa video ang buong kuwento kung bakit. -- FRJ, GMA Integrated News