Dahil pumatok sa netizens at kumikita ang gimik niyang live video habang natutulog, nagbitiw sa kaniyang trabaho ang isang lalaki sa Cavite para maging full time streamer.
Sa isang episode ng “I Juander,” ipinakilala si Marnie Saez na mula sa Cavite City, na binansagang “CEO of Tulog,” na literal na tinutulugan ang trabaho.
Kuwento ni Saez, panahon ng pandemic noong 2020 nang mawalan siya ng trabaho.
“Ako ‘yung type ng person na kahit maraming problema, smile lang. Hindi ko na iniinda, hindi ko na iniiyak, tinutulog ko na lang lahat ng problema ko,” sabi ni Saez.
Hanggang sa naisipan niyang mag-live habang natutulog na kinagiliwan naman ng netizens.
Ang mga live video ni Saez habang natutulog, umaabot ng mahigit 100,000 views kada video.
Kahit simple lang ang kaniyang ginagawa, may mga nagpapadala pa sa Tiktok ng diamonds, kung saan katumbas ng limang sentimos ang isang diamond.
Kaya pagkalipas lamang ng ilang tulog, patok na ang content ni Saez, at nagsa-suggest ang iba pang netizens ng mga maaari niyang isuot na damit o costume.
Hinamon din si Saez na matulog sa kung saan-saang lugar.
Hanggang sa nag-resign na siya sa kaniyang trabaho noong 2021 at naging full time na live tulog streamer.
Gayunman, hindi lahat ng kaniyang diskarte ay pumatok, matapos siyang hulihin at dalhin sa presinto ng mga pulis nang matulog siya sa kalye habang suot ang Spider-Man costume.
“Alam naman natin pandemic, lumabag ako. Sinabi ko naman sa mga humuli sa aking kapulisan na ‘Tatanggapin ko ‘yung consequences kasi alam ko naman sa sarili ko na mali talaga, wala ako sa tama that time,” pag-amin ni Saez.
Sa pag-livestream ng kaniyang pagtulog, nakapagpundar na si Saez ng mga bagay na hindi niya mabili dati gaya ng cellphone at computer, at naipaayos na rin niya ang kaniyang kwarto. -- FRJ, GMA Integrated News