Ikinuwento nina Jim Paredes at Boboy Garrovillo na P75.00 ang unang kinita ng grupo nilang APO Hiking Society sa kanilang first paid gig para sa isang pest control association. Dahil hati-hati pa sila sa naturang bayad, ipinambili nila lang ito ng yosi.

Sa podcast na "Surprise Guest with Pia Arcangel," binalikan ni Boboy na nagkaroon muna ng farewell concert noon ang APO Hiking Society nang magtapos na sila sa kolehiyo, at mas marami pa noon ang miyembro nila.

“After that farewell concert. We started doing live concerts. We would even audition for venues, mare-reject pa kami,” pagpapatuloy pa ni Jim.

Ayon kina Jim at Boboy, ang unang paid gig nila ay para sa Philippine Pest Control Association, kung saan binayaran sila ng P75.00.

“P75, eh anim kami nu’n,” pag-alala ni Boboy.

“Alam mo ang ginawa namin sa P75, bumili kami ng sigarilyo, hati-hati. Oh ‘di ba masaya ang buhay,” sabi ni Jim.

Dagdag pa ni Jim, nagsimula silang kumanta para makakilala ng mga babae.

“We, we started singing to meet the girls, that was the main thing! We sang in girl schools because they will scream, you know, and then you meet them after,” sabi ni Jim.

Inilahad nina Jim at Boboy ang kanilang tips para magtagal sa industriya.

“Stay healthy,” sabi ni Boboy.

“Number two, have a group ego. Not an individual ego. In other words, don’t say ‘Well ang ganda ng song na ginawa ni Boboy, ng kinanta ni Jim, nag-second voice si Danny (Javier).’ Did you say ‘Ang galing ng APO?’” ayon naman kay Jim.

“Napanood na namin ‘yung Beatles. When you say APO, you prioritize the group, not the individual,” sabi ni Boboy.

“Marami nga ang nagtatanong sa amin before, ‘Did anybody think of going solo?’ Sabi namin ‘Ano ‘yon?’” kuwento ni Boboy.

“We didn’t think we were good enough for solo,” sabi ni Jim.

“‘Ano ‘yung solo?’ We’re so strong together,” pagsegundo ni Boboy.

“Kumbaga tatlo kaming Clark Kent,” hirit pa ni Jim.

Matatandaang pumanaw na sa edad na 75 noong nakaraang Oktubre ang miyembro nilang si Danny.

May dalawang gabing concert ang APO Hiking Society ngayon Hulyo para sa kanilang ika-50 anibersaryo. -- FRJ, GMA Integrated News