Hindi bumenta sa mga imbestigador ang drama ng isang saleslady na naholdap ang binabantayan niyang jewelry store sa Maynila at natangayan ng P8.5-M halaga ng mga alahas. Nabisto kasi ng mga pulis na live-in partner niya ang holdaper na nahuli sa Cavite.

Sa video ng GMA News Feed, ipinakita ang CCTV footage sa nangyaring insidente sa isang gold jewelry store sa Sta. Cruz, Manila.

Gaya ng ibang insidente ng holdap, nagkukunwaring kliyente ang salarin at saka magdedeklara ng holdap.

Sa naturang insidente ng panghoholdap sa jewelry store, nagbabantay sa tindahan ang saleslady. Dumating ang suspek na nakilala kinalaunan na si Jeffrel Logronio, na nakasuot ng helmet at may takip sa mukha.

Naglabas ito ng baril at nagdeklara ng holdap. 

Inilagay naman ng saleslady ang mga alahas sa iniabot na ecobag ni Logronio. Nang makuha ang mga alahas, umalis na ang salarin.

Ayon sa mga pulis, ang may-ari ng tindahan ang nagreport sa nangyaring holdapan, bagay na ipinagtaka ng mga imbestigador na hindi ginawa ng saleslady.

Hindi rin umano humingi ng tulong ang saleslady sa mga tao sa paligid. Hindi nagtagal, natunton ng mga pulis ang kinaroroonan ni Logronio sa Naic, Cavite.

Nakita sa bahay nito ang mga alahas na kinulimbat.

Lumitaw din sa imbestigasyon ng pulisya na ang ginamit na motorsiklo ni Logronio sa pagnanakaw ay katulad ng motorsiklo na naghahatid naman sa saleslady.

Napansin din ng mga imbestigador na laruan lang ang baril na ginamit ng suspek sa pagholdap sa tindahan.

Parehong nasa kostudiya ng pulisya ang dalawa na mahaharap sa kaukulang kaso.--FRJ, GMA Integrated News