Tatlong masahista sa Davao City ang sabay-sabay umanong sinaniban matapos na magpakita raw ang kaluluwa ng isang lalaki sa loob mismo ng pinagtatrabahuhan nilang spa.
Sa isang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ikinuwento ng mga katrabaho ng mga umano’y nasapian kung paanong binalot ng takot ang masayang bonding ng kanilang grupo.
Pasado alas-tres ng madaling araw nong October 15 nang mangyari ang insidente — ilang oras lamang matapos nilang mag-inuman at magkasiyahan.
“Kala ko noong una, trip lang nila. Baka lasing lang,” sabi ni Faith, isa sa mga kaibigan ng mga nasapian.
Sabi naman ni Dona, tila may itinuturo na raw ang mga kaibigan nila bago pa man mangyari ang pagwawala ang mga ito.
“Tinuturo-turo niya na may nakikita siya. Pagkatapos, bigla siyang tumawa as in tawa na parang demonyo na siya,” sabi niya. “Tinanong ko kung sino sumanib sa kaniya. Si ‘Jonathan’ daw,” anang isang kasamahan.
Matagal na umanong may nagpaparamdam sa nasabing spa, ayon sa mga trabahador dito. Maging sina Dona at Faith ay nakaranas na rin umano ng kababalaghan sa lugar.
Dinala ang tatlong sinaniban umano sa kilalang faith healer sa kanilang lugar na si Virginia “Madam Virgie” Bernabe.
“May mga tao ang nakatira. Para bang naghihingi ng hustisya sa pagkamatay nila,” ani Madam Virgie.
Ayon naman sa isa sa mga nasapian na si Maymay, mayroon daw itinuturo ang sumapi sa kanila sa underground ng nasabing establisyimento.
“May gamit doon sa may underground daw,” sabi pa ni Madam Virgie.
Pinuntahan ito ng faith healer at doon nakita ang isang lumang pantalon at basahan.
“‘Yung damit po na na nakuha sa underground, damit po ng kasama namin,” sabi ni Faith.
Kinuha ni Madam Virgie ang mga gamit dahil ayaw daw ito ng nasabing espiritu, at nagsagawa ng ritwal sa buong spa.
Paliwanag ng psychologist na si Lloyd Toni Enriquez, maaaring mass hysteria ang nangyari sa tatlong babae.
“It’s commonly known as mass hysteria. Manifested through physical agitation and caused by emotional distress from work, family, or other personal issues. Possible na it’s caused by intoxication,” ani Enriquez.
Pero ayon sa kasama ng tatlo, kaunti lang ang kanilang nainom dahil may trabaho sila kinabukasan.
Pinabendisyunan ng KMJS team ang nasabing spa. Napagdesisyunan din ng may-ari nito na pansamantala itong isara.
“Ang demonyo, di natutulog ‘yan. ‘Pag na-possess, iba-ibang atake ng dyablo. ‘Pag malapit ka sa Diyos, kinubabawan ka ng Banal na Espiritu, tatalbog ang masasamang espiritu,” paalalani Catholic Media Network President and CEO Fr. Francis Lucas.--FRJ, GMA News