Arestado ang isang lalaki na nang-hostage ng dalawang-taong-gulang na batang babae sa Roque 2 sa Barangay Pasong Tamo sa Quezon City pasado alas diyes kagabi.
Armado ang 41-taong-gulang na suspek ng patalim habang karga ang bata.
Kuwento ng nanay ng bata, nagulat na lang sila nang pumasok sa bahay ang nagwawalang suspek kasama ang asawa nito.
“Ginawa po namin pumasok po kami sa kuwarto, pagpasok sa kwarto pinapatay niya lahat ng ilaw kasi nga po nanghahawi siya ng itak tapos kinuha niya po itong anak kong babae. Tapos nung pagtaga niya sinalag ng asawa ko kaya nakuha niya ito tapos yung isang anak ko po itinulak ko po palabas doon sa kuwarto namin,” sabi ng nanay ng bata.
Sinunod nila ang lahat ng hiling ng suspek para lang hindi masaktan ang bata.
Kabilang diyan ang pagsakay nila sa jeep para makapunta sa Los Baños, Laguna.
Kasama ng suspek sa jeep ang kanyang asawa, nanay ng bata, at lolo na siyang nagmamaneho.
“Naglakad po kami papunta sa jeep habang hawak hawak niya anak ko. (Hiling niya) na ihatid nga raw po sila sa Los Baños, Laguna kasi gusto raw niyan magbagong buhay ganon,” dagdag ng nanay ng bata.
Nakasunod ang jeep sa ambulansya ng barangay habang binabagtas ang Visayas Avenue.
Kasunod na rin nila noon ang mga operatiba ng Holy Spirit Police Station na rumesponde sa insidente.
Nagtapos ang insidente sa Elliptical Road corner Quezon Avenue.
Nailigtas ang bata habang kinuyog ng taumbayan ang suspek.
Ayon sa mga taga-barangay, sinubukan pa raw lumipat ng ibang sasakyan ng suspek.
“Sumakay po siya ng isang van tapos pumara po tumalon kaya po namin siya nahuli po ay meron pong isang angkas na single motor na sumakay siya na pinagsusuntok po niya natakot po yung isang angkas tumumba po yung motor,” ani Mario delos Santos, team leader ng Barangay Pasong Tamo BPSO.
Dinala sa ambulansya ang batang babae na nagtamo ng gasgas sa dibdib.
Ang kanyang nanay ay iniinda naman ang panga at dibdib dahil ilang beses daw siyang sinuntok ng suspek hanag ang tatay na tinaga sa kanang braso ay ginamot ng mga rescuer.
Sugatan din ang suspek na napag-alamang kababata pa pala ng tatay ng bata.
Kahit nasa police mobile na ay ayaw pa rin paawat ng suspek at binasag pa ang salamin ng sasakyan.
Nabawi mula sa suspek ang isang itak at isang kutsilyo.
Nasa kustodiya na ng Holy Spirit Police Station ang suspek na wala pang pahayag.
Mahaharap siya sa patung-patong na reklamo kabilang na ang three counts ng attempted murder, grave threats, malicious mischief, disobedience and resistance to an agent of person in authority, at alarm and scandal. — BAP, GMA Integrated News