Umapela ang Malacañang sa ilang grupo ng overseas Filipino workers (OFWs) sa Europa na maging mahinahon sa harap ng banta ng mga tagasuporta ni dating pangulong Rodrigo Duterte na "zero remittance week."

Sa ulat ni Tuesday Niu sa Super Radyo dzBB nitong Martes, sinabing nagbanta ang ilang grupo ng OFW sa Europa na hindi sila magpapadala ng pera sa Pilipinas mula March 28 hanggang April 4, 2025.

Ang zero remittance week ay protesta umano sa ginawang pag-aresto kay Duterte, na nakadetine ngayon sa The Hague upang litisin sa International Criminal Court (ICC) sa bintang na crime against humanity.

Ang naturang bintang ay bunsod ng ipinatupad na kampanya ni Duterte laban sa ilegal na droga na libu-libo ang namatay, na nagkaroon umano ng mga paglabag sa karapatang pantao at may nadamay na mga inosente.

Sa press briefing na isinagawa ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, ipinaalala niya na maaapektuhan din ng “zero remittance week” ang mga pamilya ng OFWs.

 

 

Ayon kay Castro, mas gusto ng pamahalaan na maging mahinahon ang mga OFW.

Umaasa din siya na mauunawaan ng OFWs na ipinatupad lang ng gobyerno ang batas sa naturang usapin.

Idinagdag ni Castro na dapat ding isaalang-alang ang kapakanan at maibigay ang hustisya sa mga biktima ng war on drugs ng dating administasyon. -- FRJ, GMA Integrated News