Aminado si Glaiza De Castro na may mga nagtatanong sa kaniya kung kailan sila magkakaanak ng kaniyang mister na si David Rainey.

Sa episode ng "Fast Talk With Boy Abunda" nitong Martes, inihayag ng Kapuso actress na handa na siya ngayon.

"Before hesitant ako to say this kasi mayroon pa akong ginagawang mga pelikula, series o trabaho," paliwanag ni Glaiza.

"Hindi ko siya pinipilit kasi the more I think about it, the more people ask about it parang, 'Oo sige na. Sige na,'" dagdag niya.

Naniniwala rin si Glaiza na darating ang kanilang anak sa tamang panahon.

Ikinasal sina Glaiza at David noong 2021 sa Northern Ireland. Muli siyang ikinasal sa Zambales noong 2023.

Nakatakdang bumida si Glaiza sa upcoming movie na "Sinagtala" na kasama sina Rhian Ramos, Arci Munoz, Matt Lozano, at Rayver Cruz.

Muli rin siyang mapapanood sa upcoming "Encantadia" spinoff series na "Sang'gre," bilang si Pirena. —FRJ, GMA Integrated News