Kilabot na holdaper umano ang lalaking nangholdap at nanutok ng baril sa isang taxi driver sa Talisay City, Cebu. Natangay niya ang P1,600 na kita ng biktima sa pamamasada.

Sa ulat ni Fe Marie Dumaboc sa GMA Regional TV Balitang Bisdak nitong Martes, sinabi ni Police Lieutenant Colonel Maila Maramag, hepe ng Talisay City Police Station, na natukoy ang pagkakakilanlan ng suspek dahil sa footage ng dashboard camera.

Nakuhanan din ang suspek sa closed-circuit television (CCTV) camera nang bumaba siya ng taxi, at may motortaxi drivers na nakakita rin sa kaniya.

Hapon nitong March 22, 2025 nang sumakay sa taxi ng biktima at nagpanggap na pasahero ang suspek sa Barangay Tabunok at bumaba sa Barangay Lawaan 3.

May suot na sombrero at naka-facemask ang suspek at armado ng baril. Natangay niya ang P1,600 na kita ng 46-anyos na taxi driver na kaniyang biniktima.

Ayon kay Maramag, kilabot na holdaper ang suspek na sinusubaybayan na nila habang hinihintay na lumabas ang arrest warrant laban sa kaniya. -- FRJ, GMA Integrated News