Dumating na sa bansa ang unang grupo ng mga Pinoy na nakaligtas mula sa scam hub sa Myanmar. Ang isa sa kanila, nagkuwento ng mapait nilang karanasan.
Sa ulat ni Bam Alegre sa GTV Balitanghali nitong Martes, sinabing 30 Pinoy na bahagi ng mahigit 100 Pinoy na nabiktima ng human trafficking at naging scammer sa Myanmar ang dumating sa bansa kanina.
“Mahirap talaga doon e. Papangakuan kayo ng mataas na sahod tapos pagdating niyo doon, hindi naman. Mauubos yung sahod niyo,” ayon sa isa sa mga nasagip na Pinoy na tumangging pabanggit ang pangalan.
“Kapag hindi kayo naka-reach ng quota, ibibilad nila kayo sa araw. Tapos may mga times na wala kayong morning break. Almost 17 hours kami nagtatrabaho dun,” dagdag niya.
Sinabi pa niya na gumagamit sila ng ibang pangalan para makapangloko sa pamamagitan ng crypto at love scams.
“Literally, scamming talaga. Ang work namin is magpapanggap kami na rich guy or rich women and then kukunin mo yung trust ng client. ‘Pag nakuha mo na yung trust ng client, pipilitin mo silang mag-invest sa platform ninyo,” kuwento ng nasagip na Pinoy.
Nakilala umano nila ang nag-recruit sa kanila sa social media. Nang dalhin sila sa Myanmar, marami umano silang dinaanan tulad ng Hong Kong, Thailand, bago nakarating sa Myanmar.
Nakatakas umano ang Pinoy mula sa scam hub nang salakayin ng mga sundalo ng Myanmar ang kanilang lugar.
Muling nagbabala ang Department of Migrant Workers sa publiko na mag-ingat sa mga natatanggap na alok na trabaho sa social media na “too good to be true.”
Ayon kay DMW Undersecretary Bernard Olalia, karaniwang magpapadala ng mensahe ang recruiter sa pamamagitan ng messenger pero hindi naman magbibigay ng tunay na pangalan. Kapag pinatulan o sinagot umano ang ipinadalang mensahe, doon na ito mag-aaya ng meet-up at ipapaproseso ang pagbiyahe.
Sinabi ni Olalia na hindi sa regular na proseso ng pagbiyahe ang gagawin sa biktima at sa halip ay idadaan palabas ng bansa sa tinatawag na "backdoors" exit ng Pilipinas.
May panibagong batch umano ng 100 Pinoy na nasagip sa scam hub ang inaasahang darating sa Miyerkules.
Ayon pa Olalia, bibiyan ng P50,000 ng DMW ang mga nasagip na Pinoy, bukod sa P10,000 na mula Overseas Workers Welfare Adminsitration.
Maliban sa tulong pinansiyal, magbibigay din ang DMW ng legal assistance at reintegration program para sa mga human trafficking victim. — FRJ, GMA Integrated News