Isang aso ang nasugatan pero masuwerteng nakaligtas sa atake ng buwaya sa Bataraza, Palawan. Pero bago pa man mangyari ang pag-atake, nauna nang nakita ang buwaya na may kalakihan umano na nakasilip sa ilalim ng tulay.

Sa isang episode ng "Dami Mong Alam, Kuya Kim!," makikita sa video ng uploader na si Alfonso Roxas, ang mata ng buwaya mula sa siwang ng tulay na gawa lang sa kahoy.

Ayon kay Roxas, ang ulo lang ang tanaw sa siwang ng tulay habang ang katawan nito ay nasa ilalim ng isang bahay kaya may kalakihan umano ang sukat ng buwaya.

Sabi ng animal expert na si Dr. Romulo Bernardo, delikado at masyadong malapit sa buwaya ang mga tao na nasa tulay.

"Yang mga distansiyang ganyan, masyadong delikado 'yan. [Ang mga buwaya] sila'y nakakaya nilang biglang humampas patagilid. Yung mga ganung bilis ng galaw, maaari kang mahila pailalim," paalala niya.

Hindi na umano bago sa mga residente sa lugar na makakita ng buwaya. Gayunman, hindi nawawala ang kanilang pangamba sa atake ng buwaya lalo na kapag kailangan nilang lumusong sa tubig kapag sasakay ng bangka, at baka hindi nila mapansin na may buwaya.

Ayon kay Roxas, kinabukasan matapos nilang makita ang buwaya sa ilalim ng tulay, inatake nito ang aso na si "Pochie," na nasakmal sa ulo.

Lumaban umano nang husto si Pochie sa buwaya para mabuhay.

Kuwento ni Roxas, sa pagsakmal ng buwaya sa ulo ng aso, tumama rin ang bibig nito sa lubid.

Sa pagpalag ni Pochie, posibleng nasipa umano nito ang mata ng buwaya kaya nabitawan ang aso

Nang makakawa sa sakmal ng buwaya, lumangoy umano si Pochie papunta sa gilid ng bahay at makikita ang pagtulo ng kaniyang dugo dahil sa tinamong sugat sa mukha.

Pero pagkaraan ng ilang araw, tuluyan namang naka-recover sa kaniyang mga sugat si Pochie.

Natutunan na rin umano ng mga residente ang galaw ng mga buwaya kung kailan sila darating batay sa taas ng antas ng tubig.

At kapag nakakita sila ng buwaya, pinapanood na lang nila ang mga ito at hindi sinasaktan.-- FRJ, GMA Integrated News