Inakala ng isang ginang na isang malaking pusa ang tumingin sa kaniya at gumagawa ng ingay sa bubungan at kisame ng kanilang bahay sa Indang, Cavite. Pero nang suriin, isa pala itong uri ng dambuhalang daga. Anong klaseng daga kaya ito para mapagkamalang pusa at dapat pa itong katakutan? Alamin.
Sa ulat ng Born to be Wild, na mapapanood sa Public Affairs Exclusives, sinabing inirereklamo ni Emely Costa ang pagbisita ng naturang hayop sa kanilang bahay.
"Last year po mayroong isa, tapos nawala po siya. Tapos bumalik po ulit, nagkaroon po siya ulit ng February," kuwento ni Costa.
"Namalayan na lang namin na may gumagalaw sa kisame tapos noong nakita namin sa kusina, lumalakad siya. Binubugaw ko sabi ko, 'Ay ang laki naman ng pusa rito.' Ayaw umalis. Tumingin sa akin, natakot po ako! Nagtatakbo na ako! After noon po, lagi nang nandiyan," dagdag ni Costa.
Pero hindi pusa kung hindi isang Southern giant slender-tailed cloud rat o bugkon ang nakikitira sa bahay nina Costa.
Ang mga bugkon ay endemic sa Southern Luzon. Mga nocturnal ang mga cloud rat kaya sa gabi sila aktibo.
Sinubukang hulihin ng team ng "BTBW" ang cloud rat sa bahay nina Costa pero sadyang napakailap nito.
Kahit nakorner na ang isa, nagawa pa rin nitong makatakas.
Sinabi ng isang eksperto na ang kawalan ng mga puno ang posibleng dahilan kaya nakikitira sa bahay ang cloud rats.
"The reason why they occupy 'yung mga kisame is probably because of the absence of large trees that are big enough that will have a hollow that they can stay," sabi ni Mariano Roy Duya, Assistant Professor-Institute of Biology ng University of the Philippines, Diliman.
"They find these kisame natin as an alternative sleeping area, sleeping site," dagdag ni Duya.
Posible ring may pagkaing nakukuha ang mga cloud rat malapit sa mga kabahayan.
Gayunman, walang dapat ikatakot sa mga cloud rat, at sa halip, dapat silang kilalanin para maintindihan at mabigyan ng espasyo sa mundo ng mga tao.--FRJ, GMA News