Isang kalsada sa Meycauayan, Bulacan ang sinasabing kinatatakutan dahil may mga kakaibang nilalang na sumasabay daw sa mga taong dumadaan pagsapit ng dilim. Sa naturang kalye umano nakita ng 24-anyos na si Cris Timon ang isang "misteryosong" matandang babae na nagdudulot sa kaniya ngayon ng matinding takot.
Sa programang "Dapat Alam Mo," ikinuwento ni Cris na unang niyang nakita ang matandang babae na nakaupo sa gilid ng kalye pero hindi niya ito pinansin.
Pero naulit pa raw ang pangyayari at sa pagkakataong ito, magtanong ito sa kung naniniwala siya sa aswang.
"Nung tinanong niya po ako parang talagang aatakihin talaga ako [sa puso]," sabi ni Cris. "Parang nagkakaroon na rin ako ng phobia dahil sa matanda na 'yon."
Saglit daw niyang sinulyapan ang matandang babae nang dali-dali siyang umalis pero bigla raw itong nawala.
Hanggang sa pagtulog, ginagambala na raw siya ng matandang babae. Kung minsan ay binabangungot na siya.
"Parang sinasakal ako ng matandang babae," sabi ni Cris, na hindi na muling bumabalik sa pagtulog dahil sa takot na hindi na siya magising.
Ayon sa pamunuan ng barangay sa lugar, hindi na raw bago sa kanila ang kuwento tungkol sa matandang babae. Gayunman, hindi pa raw nila ito nakikita kapag dumadaan sila sa kinatatakutang kalsada.
Pinuntahan muli ni Cris ang kalsada, kasama ang paranormal researcher na si Ed Caluag.
Si Ed, kaagad na may naramdaman na may nagmamasid sa kanila sa lugar. May malakas na amoy din siyang naamoy na hindi kaiga-igaya na tila patis.
Indikasyon daw ang naturang amoy sa mga lugar na may elemento.
Ang hinala ni Ed, naghahanap ng "pagpapasahan" ang matanda tungkol sa pagiging aswang. Posible rin umanong sinundan si Cris ng engkanto mula sa Leyte na pinuntahan niya, at may galit sa kaniya.
Pag-amin kasi ni Cris, nambabato at nanghuhuli siya ng ibon noong nasa lalawigan siya. Nagkaroon din daw siya ng sakit habang nandoon kung saan namaga ang kaniyang bibig at bigla siyang nawalan ng malay.
Kaya naman pinayuhan ni Ed si Cris na humingi ng tawad sa kakaibang nilalang na posibleng nasaktan niya sa pamamagitan ng isang ritwal.
Si Ed, may paalala rin sa mga tao kapag pumunta sa mga ilang na lugar o sa mga ilog. Kung ano ito, panoorin ang buong kuwento sa video.--FRJ, GMA News