Sa 45 bansa na sinuri sa isang pag-aaral sa haba ng oras na itinatagal sa social media, lumitaw na nangunguna ang mga Filipino.
Ayon sa ulat ni Tina Panganiban-Perez sa GMA News “24 Oras” nitong Miyerkules, sinabing batay sa ulat ng online marketplace OnBuy.com, gumugugol umano ang mga Pinoy ng tinatayang 102,054 oras o katumbas ng mahigit 11 taon.
Mahabang panahon ito kung ikukonsidera daw na maigsi lang buhay ng mga Pinoy na may average life expectancy na 72 years.
Ayon sa isang sociologist, masasabing may social media addiction ang isang tao kung mas mahabang oras ang ginugugol niya sa social media kaysa ibang makabuluhang gawain.
“Depende sa individual kasi you have to break it down. Kung ‘yong total number of hours na ‘yan, example sa isang 24-hour day, halos kalahati ng oras mo ginugugol mo lang sa social media, then mayroon kang overlapping problem. Kasi ibig sabihin, the time that you spend on social media can be used more productively,” paliwanag ni Bro. Clifford Sorita.
Hindi naman daw masama ang social media pero dapat balansehin ang pagtutok dito, ayon kay Sorita.
Katunayan, nagagamit naman ang social media para makaugnayan ang magkakamag-anak at kaibigan at makakuha ng impormasyon. Pero hindi na maganda ang epekto nito sa tao kung gugugulin ang oras dito dahil sa pagnanais na maging popular at naghahangad na makakuha ng maraming likes, shares at comments.
Upang malampasan ang social media addiction, sinabi ni Sorita na kailangan maghanap ng ibang aktibidad at gawain na kapaki-pakinabang sa loob o labas ng bahay.
Dapat ding magtakda ng oras na mag-"unplug" at magkaroon ng tahimik na sandali para sa sarili.
Nasa 2,153 katao umano ang tinanong sa survey ng OnBuy mula sa 45 bansa.
Sumunod sa Pilipinas ang Columbia na may average na 101,288 oras sa social media, habang ang Japan ang bansa na hindi masyadong nahuhumaling sa social media.--FRJ, GMA News