"Jesus Anak ni David... gamutin mo rin sana ang aming pagkabulag (Lk. 18:35-43)."
Mababasa sa kuwento ng Mabuting Balita (Lucas 18:35-43) ang tungkol sa isang lalaking bulag na nagsikap na mapapansin at makilala ang Panginoong Jesus habang dumaraan sa Jerico.
Para sa lalaking bulag, iyon na marahil ang huli kaniyang pagkakataon upang magamot siya ni Jesus at mapaghilom ang anumang karamdaman niya. Mahirap nga naman na mamuhay na walang ibang nakikita kung hindi kadiliman...literal na kadiliman para sa isang taong walang paningin.
Kaya sinikap ng bulag na makuha ang atensiyon ng paparating na si Jesus. Bagama't pinititigil at sinaway siya ng mga tao sa gilid ng kalsada dahil sa ingay na nililikha niya, hindi pa rin nagpaawat ang bulag hanggang sa nakuha na niya ang atensiyon ng Panginoon.
Ganoon kakulit at kapursigido ang lalaki sa kuwento sapagkat para sa kaniya, si Jesus na lamang ang natitira niyang pag-asa upang gamutin ang kaniyang pagkabulag.
Dahil sa pagpupursigi ng bulag, huminto si Kristo sa paglalakad, ginamot ang lalaki at nakamit ang kaniyang hinahangad na pagpapala na makakita.
Itinuturo ng Ebanghelyo na kung nais nating makilala at matagpuan si Jesus, kailangan din nating maging pursigido katulad ng lalaking bulag. Pero hindi na natin kailangang hintayin na mawalan pa ng paningin bago kumilos.
Hindi natin matatagpuan at makikilala si Kristo kung magsasawalang kibo lamang tayo. Ilan sa atin na bagaman hindi pisikal na bulag, subalit namumuhay naman sa madilim na bahagi ng buhay.
Nabubulag tayo sa mga materyal na bagay at mga makalupang hangarin na hindi ikinalulugod ng Panginoon at hindi naman natin madadala sa kabilang buhay.
Gaya natin, hindi nakikita at hindi rin kilala ng lalaking bulag si Jesus. Pero ang kaniyang masidhing paniniwala at pananampatalaya ang nagtulak sa kaniya na kunin ang atensiyon ng Panginoon upang mapagaling siya at alisin sa kadiliman na kaniyang kinalalagyan.
Marami sa atin ang nakakakita pero "bulag" naman sa paniniwala at pananampalaya, at hindi nakikita ang Diyos dahil namumuhay sila sa kadiliman na dulot ng makamundong kayamanan at pagnanasa.
Gaya ng lalaking bulag, ang mga taong "bulag" sa paniniwala at pananampalataya ay si Jesus lang ang tanging pag-asa upang gamutin ang kanilang kaluluwa at espirituwal.
Kung ang lalaking bulag ay naghihiyaw para mapansin ni Jesus, ang mga "bulag" ang kaluluwa at espirituwal ay mas mabuting tahimik lang na manalangin at kausapin ang Panginoon upang tayo ay mapansin at kaniya ring gamutin.
MANALANGIN TAYO: Jesus, Anak ni David, mahabag Ka sa akin. Gamutin Niyo po ang aming pagkabulag upang Ikaw ay aming makita at makilala. AMEN.
--FRJ, GMA News