May mga taong tinatawag na 'whisperer" dahil kaya nilang tawagin o pasunurin ang mga hayop. Pero sa Davao de Oro, isang bata umano ang kaya ring magtawag at magpasunod--ngunit hindi ng hayop, kundi insektong mga lamok.
Sa kuwentong "Dapat Alam Mo," ipinakita ang video ng anim na taong gulang na si Crystal Jane Mesiona, habang humuhuni.
Ilang saglit lang, makikitang dagsa na ang mga lamok na lumilipad sa tapat ng kaniyang mukha.
Ayon kay Vicenzo, ama ni Crystal Jane, nagsimula ang lahat nang minsang umiiyak ang kaniyang anak sa labas ng kanilang bahay.
Napansin daw ng bata na lumalapit ang mga lamok sa mukha niya at kamay kapag umiiyak siya. At nawawala raw kapag tumigil siya, at muling babalik kapag umiyak siya.
Gayunman, kahit nilalapitan daw ng mga lamok ang bata, hindi naman daw kinakagat ng mga insekto si Crystal Jane.
Ang entomologist na si Carl Ayen, kinumpirma na may mga pag-aaral na maaari ngang makatawag ng pansin ng mga lamok ang ingay o tunog.
Papaano nga ba ito nangyayari at ano ang peligrong maaaring ihatid sa pagtawag sa mga lamok?. Panoorin ang video.--FRJ, GMA News