Patay ang isang babaeng 25-anyos matapos siyang pagsasaksakin ng kaniyang kinakasama sa Butuan City. Ang mga kaanak ng biktima, nadinig ang kaguluhan pero inakala nilang karaniwang pag-aaway lang iyon ng dalawa.
Sa ulat ni Sarah Hilomen Velasco sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Miyerkueles, sinabing nangyari ang trahediya sa bahay ng dalawa sa Barangay Pinamanculan noong Lunes.
Nasawi ang biktima dahil sa limang saksak na tinamo sa katawan, at hindi na siya umabot nang buhay sa ospital.
Ayon sa pinsan at kapitbahay ng biktima, nadinig nila ang pagtatalo ng dalawa pero hindi nila inakalang sinasaksak pa pala ng 28-anyos na suspek ang biktima.
Madalas umanong mag-away ang dalawa dahil sa pagseselos ng suspek.
Tumakas ang suspek matapos na gawin ang krimen pero sumuko rin sa awtoridad kinalaunan dahil sa takot.
Ayon kay Butuan City Police Office Station 3 Deputy Station Commander Lieutenant Jude Alvizo, sumuko ang suspek dabil sa takot dahil nakarating sa kaalam ng suspek na hinahanap siya ng mga kaanak ng biktima para maghiganti.
Inamin ng suspek ang krimen na nagawa lang daw niya matapos siyang saktan ng biktima.
“Nahinaykan gyud nako, pagkaigo sa akong ulo… mao tong pagkaigo nako, nalipong ko gamay, unya mingitngit akong panan-aw ato ug wa nako napugngan ba,” paliwanag ng suspek, nahaharap sa kasong murder.