Dalawang babae ang nasawi sa magkahiwalay na insidente ng pamamaril ng kani-kanilang live-in partner sa Cavite at Davao de Oro.
Sa ulat ni Bam Alegre sa GMA News "Unang Balita" nitong Lunes, nasawi ang isang 45-anyos na ginang sa Barangay Salitran 1 sa DasmariƱas, Cavite matapos siyang barilin ng dalawang beses sa dibdib ng kaniyang kinakasama sa kanilang bahay.
Ayon sa anak ng biktima, ang live-in partner ng kaniyang ina ang bumaril at pumatay sa ginang na nangyari nitong hatinggabi ng Linggo.
Sinabi naman ni Police Captain Polly Padios ng DasmariƱas Police Station, na batay sa salaysay ng saksi, nagkaroon ng mainit na pagtatalo ang dalawa dahil umano sa pagseselos ng suspek na humantong sa pamamaril.
Ayon pa kay Padios, dati nang nakulong ang suspek kaugnay sa kasong may kinalaman sa ilegal na droga.
Nakatakas ang suspek at patuloy na tinutugis ng mga awtoridad.
Sa isa namang ulat ng GMA Regional TV News, nasawi rin ang isang 34-anyos na babae sa New Bataan, Davao de Oro matapos din umanong barilin ng kaniyang live-in partner.
Ayon sa pulisya, nagkaroon din muna ng pagtatalo ang dalawa bago ang krimen pero inaalam pa ang ugat ng kanilang pinag-awayan.
Matapos barilin ang biktima, nagbaril din umano sa sarili ang suspek at nasawi rin.
Nagtatrabaho bilang cashier sa isang small town lottery (STL) outlet ang biktima, habang supervisor naman ang suspek. --FRJ, GMA Integrated News