Patay ang dalawang rider matapos magsalpukan ang minamaneho nilang mga motorsiklo sa Sinait, Ilocos Sur.

Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Biyernes, sinabing nag-overtake ang isa sa mga motorsiklo at bumangga sa kasalubong na motorsiklo sa national highway.

Sa lakas ng banggaan, tumilapon ang isang rider.

Edad 24 at 31 ang mga rider na parehong nakasuot ng helmet pero binawian ng buhay dahil sa tindi ng tinamong pinsala sa katawan.

“Mag-ingat po tayo, lalong lalo na ngayong tag-ulan. Huwag po tayo masyadong magpabilis ng takbo. Mas maganda na lang na ma-late tayo o makarating tayo sa pamilya natin na di tayo nadidisgrasya," paalala ni Police Captain Bryan Romeo Lopez, Officer-in-Charge ng Sinait Police Station.-- FRJ, GMA Integrated News