Timbog ang isang lalaki matapos niyang kikilan ang isang babaeng nakilala niya sa bar kapalit ng hindi niya pagpapakalat ng maseselang video nito sa Cebu City.

Sa ulat ni Mark Salazar sa 24 Oras nitong Miyerkoles, sinabi ng pulisya na matapos magkakilala ang suspek at biktima sa bar, nagkaroon sila ng intimate relationship.

“And during their relationship, nagkaroon sila ng video calls na lingid sa kaalaman ng victim ay nire-record pala ito ng suspect. Ito po ‘yung video calls nila na may mga sexual activities or mga intimate moments nila,” sabi ni Police Lieutenant Wallen Arancillo, spokesperson ng PNP-ACG.

Ginawang panakot umano ng suspek na ipapadala niya ang maseselang video call sa mister ng biktima kung hindi siya magbibigay ng pera.

Kalaunan, napadalas na ang paghingi ng suspek ng P200 o P300.

“Doon nagumpisa ‘yung pagba-blockmail. Hanggang sinend niya nga doon sa kapamilya ng victim. Kaya nag-decide na ‘yung victim na mag-report,” sabi ni Arancillo.

Hindi nagbigay ng panig ang suspek, na nahaharap sa paglabag sa Republic Act 9262 o VAWC law, Republic Act 9995 o Anti-Photo and Video Voyeurism Act of 2009, at Article 294 o robbery with intimidation of a person ng Revised Penal Code.

Lumabas sa pinakahuling datos ng PNP Anti-Cybercrime Group na sextortion ang pinakamaraming naidulog na kaso sa kanila.

Mula Enero hanggang Hunyo ngayong taon, 198 cases ang naitalang sextortion, mas mataas sa 181 na bilang noong isang taon. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News