Nagkita at nagkapatawaran na ang lalaking binansagang "Boy Dila" sa “Wattah Wattah” festival sa San Juan, at ang rider na kaniyang binasa gamit ang water gun na may kasamang pang-aasar.
Sa social media post nitong Biyernes, sinabi ni San Juan Mayor Francis Zamora, na personal na humingi ng paumanhin ang kababayan niyang si Lexter Castro sa naturang rider, nang magharap ang dalawa sa San Juan City Hall nitong Huwebes.
BASAHIN: Lalaking viral na labas ang dila sa 'Wattah Wattah' festival, emosyonal na humingi ng tawad
Nagbigay umano si Castro ng helmet at kapote sa rider, na tinanggap naman ang paumanhin ng una, ayon sa alkalde.
“Nawa'y magsilbing leksyon ito sa ating lahat na parati tayong dapat magbigay ng respeto sa kapwa at huwag tayong gumawa ng anumang bagay na maaaring makasakit sa ibang tao, pisikal man o emosyonal,” sabi ni Zamora.
Sa isang press conference kamakailan na ipinatawag ng alkalde, humingi ng paumanhin si Castro kay Zamora, sa publiko, at sa rider, dahil sa kaniyang inasal noong kapistahan ng lungsod.
Nag-viral sa social media ang ginawang pagbasa ni Castro sa rider na gamit ang water gun habang nakalabas ang kaniyang dila.
Sa paghingi ng tawad, naging emosyonal si Castro dahil nakatanggap na umano siya ng mga pagbabanta at nadamay na rin ang kaniyang pamilya.
Ayon kay Zamora, hiniling niya sa rider na pumunta sa city hall, na pinaunlakan naman nitong Huwebes.
Dahil sa mga reklamo mula sa publiko na napadaan sa San Juan at binasa kahit hindi nila gusto, plano ng lokal na pamahalaan na magtakda na lamang ng mga lugar sa lungsod kung saan puwedeng magbasaan ang mga tao.--FRJ, GMA Integrated News