Dahil sa pagkamatay sa stroke ng isang vlogger sa Iligan City na may content na "mukbang," pinag-aaralan ngayon ng Department of Health (DOH) kung dapat ipagbawal ang paggawa ng mga video na nagpapakita ng matinding "paglamon."

BASAHIN: Vlogger na may mukbang content, nasawi sa stroke

Sa ulat ni Mariz Umali sa GMA News “24 Oras” nitong Biyernes, sinabing naglabas si Health Secretary Teddy Herbosa ng public health warning tungkol sa mga mukbang video, at pag-aaralang ma-regulate ito kasunod ng pagkamatay ng vlogger na si Dongz Apatan noong nakaraang Hunyo.

“It’s a bad practice because people make content by overeating. Overeating is not healthy. It will lead to obesity," paliwanag ni Herbosa. "And obesity will lead to hypertension, heart conditions, non-communicable diseases, and even heart attacks.”

Sinabi pa ni Herbosa, na may pag-aaral na nagpapakita na ang panonood ng katulad na video ay maaaring mauwi sa eating disorders o internet addiction.

“Because other people copy it. Other people will also do the same because they earn money from doing a video blog of mukbang. So, it's risky for them,” sabi ng kalihim.

Kung mapapatunayan na may kinalaman sa mukbang ang pagkamatay ni Apatan, gagawa ng hakbang ang DOH may na ipagbawal ang naturang mga content.

“You are promoting unhealthy behavior to the Filipinos….I can ban it locally. I can propose banning mukbang locally. Even ask the DICT (Department of Information and Communications Technology) to stop those sites. [It's like] food pornography,” sabi pa ni Herbosa.

“It's asking, making people eat like gluttons. You can earn income as long as it does not produce health risks. If you’re earning from something that is a public health threat, I will have to stop you,” dagdag pa niya.

Una rito, lumabas sa mga ulat na bago inatake at pumanaw si Apatan, nagmukbang muna ito ng mga prinitong manok.

Pero idinepensa ng food vlogger na si Richard ang mga mukbang videos.

“May mga viewers po kami na may mga sakit, mga walang gana pong kumain, na nagpapasalamat po sa amin dahil nagkakaroon po sila ng gana kapag napapanood po yung mga video namin. Siyempre, yun po yung nagiging gasolina namin eh. Para magtuluy-tuloy,” paliwanag niya.

“Isang beses lang po ako nakain sa isang araw. Tapos, naglo-low carb pa po ako. Disiplinado po kasi kami. So kahit naman yung mga regular na tao depende po yan sa ating ating disiplina sa pagkain,” dagdag niya.

Sinabi ng video streaming platform na YouTube na masusi nilang minomonitor ang mga katulad na content, lalo na ang mga video na may kaugnayan sa eating disorders. —FRJ, GMA Integrated News