Wala nang buhay nang matagpuan ang isang security guard sa isang fishpond sa Kawit, Cavite. Ang kapwa niya sekyu na nanaksak umano sa kaniya, arestado.

Sa ulat ng 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabing natagpuan ng pulisya noong Huwebes ang bangkay ng biktima, na nagtamo ng mga sugat sa braso at katawan.

Ayon sa pulisya, nakipag-inuman pa ang biktima sa mga kasamahan nito noong gabi bago natagpuan ang kaniyang bangkay.

Namataan din sa lugar ang bolong ginamit umano sa pagpatay sa kaniya.

May mga bakas naman ng dugo sa log book at coffee kettle ng biktima sa barracks, na nagsisilbing indikasyon na dito naganap ang krimen.

Todo-tanggi sa krimen ang suspek, na hindi nagbigay ng pahayag.

Nahaharap ang suspek sa reklamong murder. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News