Nasawi ang isang 74-anyos na Pinay sa California matapos siyang itulak ng isang palaboy habang may paparating na tren sa BART Powell Station sa San Francisco.

Isinugod sa ospital ang biktimang si Corazon Dandan pero binawian ng buhay dahil sa pinsalang tinamo sa ulo.

BASAHIN: Pagtulak ng isang lalaki sa isang babae sa riles ng tren sa New York, nahuli-cam

BASAHIN: Ilang Pinoy, takot nang mag-subway sa New York

"At approximately 11:06pm Monday night, the 74-year-old victim was pushed by the suspect as a train approached. The victim hit her head on the train and fell on the platform," saad sa pahayag ng BART Police.

Isang telephone operator ang biktima sa Parc 55 Hotel sa Union Square, at pauwi na sa Daly City nang mangyari ang pag-atake.

Bagaman retirado na, pinili pa rin ng biktima na magtrabaho.

Hindi pa naglalabas ng pahayag ang pamilya ng biktima, na humingi na rin muna ng privacy sa nangyaring trahediya.

Naaresto naman ang suspek na kinilalang si Trevor Belmont, alyas Hoak Taing.

Sasampahan siya ng reklamong murder at elder abuse.

Kinondena naman ng Filipino community sa San Francisco, California, ang krimen at nanawagan na higpitan ang seguridad sa mga pampublikong lugar.—mula sa ulat ni Dave Llavanes Jr/FRJ, GMA Integrated News