Nauwi sa trahediya ang pangunguha ng kuhol ng dalawang batang babae nang malunod sa isang palaisdaan sa Batac City, Ilocos Norte.
Sa ulat ni CJ Torrida sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Biyernes, sinabing edad 14 at walo ang mga biktima na magkamag-anak, at residente ng Barangay Colo.
Sa imbestigasyon ng pulisya, gagawin sanang ulam ng mga biktima ang makukuhang kuhol pero napunta sila sa malalim na bahagi ng palaisdaan kaya nalunod.
Ayon sa lalaki na kabilang sa sumaklolo sa mga biktima, lampas-tao ang tubig at maputik ang bahagi ng palaisdaan na napuntahan ng mga bata.
"Talagang pumunta sila doon para manguha ng mga kuhol. Nadulas yung dalawang bata hindi naman marunong lumangoy," ayon kay Lieutenant Colonel Adrian Gayuchan, hepe ng Batac City Police.
Nasa bukid ang ama ng isa sa mga biktima, at dati na umano silang kumukuha ng kuhol sa lugar kaya hindi nila inakala na mangyayari ang trahediya.
Dahil sa insidente, nais ng punong barangay na ipagbawal na ang pagkuha ng kuhol sa lugar na dating imbakan ng tubig na ginagawang palaisdaan kapag bumaba ang antas ng tubig.--FRJ, GMA Integrated News