Dahil sa isang pambahirang kondisyon, hindi mababakas sa mukha ng isang taong gulang na si Thirdy ang kaniyang saya pero madidinig naman ang kaniyang pagtawa. Ano nga ba ang Moebius Syndrome na tumatama sa mga bata na nagbubura sa kanilang facial expression? Alamin.
Sa kuwentong Dapat Alam Mo! ni Nico Waje, ipinakilala ang isang taong gulang na si Thirdy, na hindi nakakakurap o nakakaluha, ayon sa kaniyang ina na si Irene De Guzman.
Ayon kay Irene, maingat siya noong ipinagbubuntis naman niya si Thirdy. Pero hindi niya inasahan na magkakaroon siya ng 40 degrees na mataas na lagnat noong limang buwan na siyang buntis.
Pero sa kabila ng naturang karamdaman, iniwan ni Irene na uminom ng gamot para protektahan pa rin ang baby sa kaniyang sinapupunan.
Nang magpa-prenatal check-up, napansin niyang tila may kakaiba sa ultrasound.
“Napansin ko po na may bingot po siya. Tapos ‘yung kamay po, sabi ng nag-4D sa akin, baka naka-tikom lang (ang mga kamay) kaya naniwala naman po ako,” sabi ni Irene.
Nang manganak, nagulat si Irene nang makita ang kalagayan ni Thirdy.
“Pagpatong sa tiyan ko, may malaking bukol po siya rito. Walang puwit po tapos meron po siyang bingot, wala po siyang kamay, kaya na-shock po ako nu’n. Kinalma ko po ‘yung sarili ko po,” ani Irene.
Ayon sa neurologist sa East Avenue Medical Center na si Levin Ace Danganan, may rare congenital condition na Moebius Syndrome si Thirdy, na nakakaapekto sa muscle na nagkokontrol sa facial expression at galaw ng mata.
Sinabi ni Danganan na isa sa 500,000 pasyente na napapanganak ang nagkakaroon ng Moebius Syndrome.
“So, ibig sabihin nu’n, napaka-rare na magkaroon ng Moebius Syndrome. Nade-detect natin ‘yan pagkapanganak ng pasyente. This is accompanied by facial weakness. ‘Yung face ng bata or ng baby is hindi siya makapag-facial expression, hindi siya makapag-ngiti, hindi siya makaiyak,” anang neurologist.
“Accompanied by different abnormalities as well. So, puwede tayo magkakaroon ng lymph abnormalities. Puwedeng maging clubfoot siya. Incomplete ‘yung development ng dalawang kamay ng isang baby,” dagdag ni Danganan.
Kasalukuyan pang pinag-aaralan ang posibleng sanhi ng kondisyon.
“Habang nagbubuntis ‘yung mother, nagkaroon siya ng problema. It's either pwede siyang uminom ng gamot na hindi teratogenic. Habang nagpo-form ‘yung baby sa loob ng sinapupunan is nagkaroon tayo ng parang problem. Puwede na tayong nagkakaroon ng deformation or malformation. Nabo-block ‘yung development ng baby,” paliwanag ni Danganan.
Sa kabila nito, naging positibo si Irene at amang si Roberto Caparas II tungkol sa kondisyon ng kanilang anak.
“Ang dami pong nagko-comment, Thirdy is blessing po ‘yun. Positive comment po na, ‘Kaya mo ‘yan, laban lang,’” sabi ni Irene.
Ayon kay Danganan, nakadepende sa mga magiging komplikasyon ng pasyente ang life expectancy ng isang pasyente na may Moebius Syndrome.
Maliban sa special na bote na ginagamit sa pag-inom, sumailalim na rin si Thirdy sa operasyon para maayos ang kanyang cleft palate at club foot. -- FRJ, GMA Integrated News