Isang grupo ng mga Pilipinong na biktima umano ng human trafficking sa Myanmar ang nagpapasaklolo sa Department of Foreign Affairs (DFA)  matapos silang gawing "love" scammers.

Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News 24 Oras nitong Biyernes, sinabi ni DFA Undersecretary Eduardo de Vega na iningganyo ang mga biktima na magpanggap na turista pero magtatrabaho bilang computer o IT expert sa Thailand.

Pero pagdating sa Thailand, ibiniyahe sila sa Myanmar at ginawang online scammer.

Nakikipag-ugnayan na umano ang DFA sa mga awtoridad sa bansang kinaroroonan ng mga Pinoy para masagip sila.

Dahil dito, muling nagpaalala ang DFA sa mga nais magtrabaho sa ibang bansa na kumuha ng overseas employment contract kahit sa mga bansa na hindi kailangan ang visa.

Nakatakdang magpulong sina Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. at Thai Prime Minister Srettha Thavisin para talakayin ang paglaban sa transnational crimes. —FRJ, GMA Integrated News