Natatawang inihayag ni Barbie Forteza na hindi sila nagkasundo ni David Licauco noong una silang magkatrabaho dahil sa palaging late ang aktor.

Sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Biyernes, sinabi ni Barbie na tinrabaho niya ang pakikipagkaibigan kay David dahil hindi sila nag-“click” kaagad.

"Lagi ko naman inaamin sa lahat na, at first, hindi ako okay with him," sabi ni Barbie.

"Kasi lagi siyang late,” natatawa niyang paglalahad.

"Yung friendship na nabuo ko with David is very, masasabi kong slowly but surely. Talagang dinahan-dahan namin," dagdag niya.

Matatandaang unang pumatok ang love team nina Barbie at David na “BarDa” sa “Maria Clara at Ibarra.”

"Very surprising and very unexpected ‘yung love team namin na thankfully successful. So biglang agad-agad, everyday na kaming magkasama, everyday na kaming magkatrabaho, everyday nakakakilig na ‘yung mga eksena namin,” sabi ni Barbie.

“So for two people na hindi naman close, ni hindi nag-uusap, biglang ganu’n, mahirap yun,” dagdag pa niya.

Sinabi pa niyang magkaiba sila ng work ethics at routine sa trabaho ni David.

"Mahirap siya talaga dahil magkaibang-magkaiba kami ni David."

Ayon kay Barbie, kasalukuyang nasa proseso si David sa paggamot sa pagiging late nito.

“From time to time,” muli niyang natatawang sabi. “Kanina late siya ulit eh,” biro niya.

Inilahad ni David na naaapektuhan ang kaniyang trabaho dahil sa sleep apnea, isang sleep disorder kung saan humihinto bago paulit-ulit na magsisimula ang paghinga.

Ito ang dahilan kung bakit nale-late si David sa taping.

Ipinagamot na ito ni David ngayong taon.--FRJ, GMA Integrated News