Hinarang ng mga awtoridad ang isang kotse na "tinangay" umano ng isang lalaki habang ipinapagawa sakay ang dalawang batang lalaki sa Talisay City, Cebu. Ang kotse, nag-counterflow sa daan at nakipagsiksikan sa ibang mga sasakyan.

Sa ulat ni Fe Marie Dumaboc sa GMA Regional TV Balitang Bisdak nitong Martes, sinabing nangyari ang insidente nitong Lunes ng umaga sa Barangay Tabunok.

Sa CCTV footage, makikita ang kotseng pula na tinangay umano ng 25-anyos na suspek na nag-counterflow at may nasagi na isang sasakyan.

Nagpumilit pa itong bumalik sa tamang linya pero isang pulis na ang humahabol sa kaniya matapos na makasagi umano ng sasakyan.

Naalerto na rin ang mga tauhan ng City of Talisay-Traffic Operations and Development Authority (CT-TODA), at hinarang ang pulang kotse at doon nakita ang dalawang bata na sakay nito na edad anim at pito.

Sa imbitasyon ng mga awtoridad sa Talisay City Command Center, lumitaw na ang mga bata ay anak ng car painter sa repair shop kung saan ipinapagawa ang sasakyan.

Ayon kay Jonathan Tumulak, hepe ng CT-TODA, hindi masagot ng maayos ng lalaki ang tanong tungkol sa mga bata na kasama niya sa kotse.

Hindi rin masagot ng mga bata kung ano ang relasyon nila sa driver, na hinihinala nilang lango sa ilegal na droga.

Paliwanag naman ng namamahala sa car repair shop na si Isot Pahayahay, ang lalaki ay kaibigan umano ng car painter na nakaistambay sa kaniyang pagawaan.

Kinuha umano ng lalaki ang ipinapagawang kotse nang walang paalam at sinabing magpa-practice sa pagmamaneho.

Sa huli, nagpasya ang ama ng mga bata na huwag magsampa ng kaso.

Gayunman, sinabi ni Police Lieutenant Colonel Epream Paguyod, hepe ng Talisay City Police Office, na patuloy nilang susubaybayan ang lalaki. --FRJ, GMA Integrated News