Dahil sa dami ng naaaksidente at may nasasawi, binansagang "killer canal" ang isang irrigation canal sa Dingras, Ilocos Norte na may haba na halos kalahating kilometro. At nitong nakaraang Mayo, tinangay ng malakas na agos sa kanal ang buhay ng 14-anyos na si Francis Bangi.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," makikita na malinis ang tubig sa naturang irrigation canal kaya may mga nai-engganyo rito na magtampisaw at maligo.
Ngunit ang tubig na umaagos sa canal, nanggagaling sa isang dam kaya may pagkakataon na biglang rumaragasa ang agos ng tubig.
Kaya naman marami na umano ang natangay ng tubig sa canal, at may pagkakataon na may hindi nakaliligtas.
Gaya nang nangyari sa 14-anyos na si Francis, na unica hijo ni Emy sa pangalawa niyang asawang Briton.
Ayon sa tiyahin ni Francis, nagpapalamig lang sa canal at nagtatampiyaw ang mga paa nito sa tubig bago mangyari ang trahediya. Hanggang sa naisipan ng binatilyo na bumaba nang tuluyan sa tubig.
Pero unti-unting lumakas ang agos. Kumapit umano si Francis sa isang kubo pero nakabitaw ito at tuluyang tinangay ng agos.
Dahil lumabo na rin ang tubig sa lakas ng agos, hindi na malaman kung saan siya napunta. Kaya nagpatulong na sila para sagipin si Francis.
Hanggang sa makita si Francis sa isang bahagi ng kanal na wala nang malay. Buwis-buhay ang kaniyang mga kaanak at kapitbahay para maialis siya mula sa tubig.
Ngunit kahit anong gawin nila, hindi nila makuha si Francis dahil sa nakasabit ang paa nito sa ilalim ng tubig at napakalakas pa rin ng agos.
Nakuha lang nila si Francis nang kumalma na ang daloy ng tubig. Gayunman, bigo na silang mailigtas ang buhay nito na idineklarang dead on arrival sa pagamutan.
Isang buwan makaraang ang trahediya, patuloy ang pangungulila ni Emy sa kaniyang anak.
"Kagabi napanaginitan ko siya na nakatalikod tapos naglalaro sa buhangin. Tapos kinakausap ko hindi siya lumilingon," saad niya.
Nagsisilbing alaala ni Emy mula kay Francis, na pangarap na maging fashion designer, ang mga manika nito na palaging pinaglalaruan at binibihisan.
Mayroon nga bang dapat managot sa sinapit ni Francis at iba pang nadisgrasya sa irrigation canal? At anong hakbang ang gagawin ng mga awtordad para hindi na maulit ang nangyaring trahediya? Tunghayan sa video ng "KMJS" ang buong malungkot na kuwentong ito. Panoorin.--FRJ, GMA Integrated News