Isang nerve disease ang Bell's Palsy na naapektuhan ang cranial nerve number seven o facial nerve. Kung lower part lang ng kalahati ng mukha ang naapektuhan ng stroke, ang Bell's Palsy, buong kalahati ng mukha. Maibabalik pa kaya sa dati ang tumabinging mukha at sino ang puwedeng tamaan nito? Alamin.
Sa programang "Pinoy MD," binalikan ang naging karanasan ng aktres na si Angelu de Leon, nang tamaan siya noon ng naturang sakit.
Ayon kay Angelu, napansin niya noon na tumagas sa labi niya ang ininom na tubig. At nang magpakonsulta sa duktor, doon niya nalaman na mayroon siyang Bell's Palsy.
Sinabi ng neurologist na si Dr. Raymond Rosales ng UST Hospital, hindi gaya sa stroke na lower part lang ng mukha ang natatabingi o naapektuhan, ang Bell's Palsy, buong kalahati ng mukha ang apektado
"As in hindi niya magalaw ang forehead, hindi niya masara ang mata, hindi niya mapalaki ang butas ng ilong, hindi niya maigalaw ang lip on the side ng nagka-damage," paliwanag niya.
Ilan pa sa sintomas ng Bell's Palsy ay ang hindi maikunot ang noo, at hindi makangiti nang maayos.
Kahit sino umano ay maaaring tamaan ng Bell's Palsy, lalo na ang mga mahina ang resistensya ng katawan, gayundin ang mga may diabetes.
Puwede ring magka-Bell's Palsy ang mga nagka-chicken pox dulot ng Herpes virus. Kapag nakaranas ng Bell's Palsy, mainam na magpakonsulta agad sa doktor para agad magamot.
Makatutulong ang pag-inom ng mga iniresetang steroids, at pagsasagawa ng facial exercises.
Ayon kay Rosales, may mga pasyente ng Bell's Palsy ang hindi na naibabalik sa dating ayos ang tumabinging mukha.
"Rehabilitation, physical therapy, magkasabay talaga 'yan na treatment. Remember, mukha ito, ito 'yung hinaharap natin sa tao. A quarter or 25 percent of the patient is forever tabingi 'yung mukha. There is a good 75 to 80 percent na nagko-complete recovery," saad ni Rosales. -- FRJ, GMA Integrated News