Inihayag ng Department of Migrant Workers (DMW) na sa kabila ng matinding panganib, handa pa rin ang maraming Filipino seafarers ang maglayag sa high-risk areas at warlike zones na Red Sea at Gulf of Aden.
Sa panayam sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni DMW Secretary Hans Cacdac na 78 na Pinoy seafarers pa lang ang nagpahayag ng pagtanggi na sumakay sa mga barkong dadaan sa Red Sea at Gulf of Aden.
Dahil sa mababang bilang, sinabi ni Cacdac na marami pa rin ang Filipino seafarers ang handang maglayag at sumakay sa mga barkong dadaan sa peligrosong lugar na inaatake ng mga pirata at pro-Iranian Houthi group.
“One reason could be ‘yung hazard rates—double ang suweldo. But we are really not considering itong mga hazard rates as a foremost policy approach dito kasi ‘yung suweldo pumapangalawa lang ‘yan sa kanilang proteksyon,” ayon kay Cacdac.
Sa kabila nito, sinabi ng DMW na bagaman mayroong freedom to navigate sa parte ng mga tripulante at shipowners, dapat bigyan ng proteksyon ang mga dadaanan sa peligrosong mga lugar.
“Sige kinikilala ‘yan pero dapat merong proteksyon, merong maritime security escorts, merong armed guards, merong risk and threat assessments muna bago isumite sa atin,” sabi ng kalihim.
Una rito, naglabas ng patakaran ang DMW para sa licensed manning agencies (LMAs) na tiyakin ang kaligtasan ng mga Filipino seafarers at iwasan ang pagdaan sa mga peligrosong mga lugar, gaya ng Red Sea at Gulf of Aden.
Sa nagdaang mga linggo, ilang barko na may mga tripulanteng Pinoy ang sinalakay at pinasabugan ng Houthi sa Red Sea.
Ngayong Martes, dumating na sa bansa ang mga labi ng dalawang Filipino crew member na nasawi sa pag-atake ng Houthi group sa bulk carrier na MV True Confidence noong Marso sa Red Sea.—FRJ, GMA Integrated News